Pambayad sa utang ni Duterte, bagong mga buwis na naman
Balak ng mga upisyal sa ekonomya ng estado na magpataw ng panibagong mga buwis at palawakin ang saklaw ng dati nang mga buwis sa pagkain, gamit sa produksyong pang-agrikultura, transportasyon, kuryente at iba pang batayang pangangailangan para bayaran ang pamanang bilyun-bilyong utang ng rehimeng Duterte.
Ibinunyag kahapon ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na obligado ang susunod na administrasyon na magpataw ng buwis sa mga sektor na “hindi pa nabubuwisan” para mabayaran ang mga utang ng estado.
Kabilang sa kanyang iminungkahing buwisan ang lahat ng mga aytem at transaksyon na dating exempted sa 12% na VAT (value added tax) tulad ng pagbili ng pataba at iba pang mga produktong pang-agrikultura, bayad sa inuupahang bahay, serbisyong pampinansya ng mga bangko at iba pang daluyan ng padalang pera, mga produkto at serbisyong binibili o tinatangkilik ng mga senior citizen at marami pang iba.
Iminungkahi din ni Domiguez ang pagpapataw ng dagdag na excise tax, katulad ng ginawa ni Duterte sa langis — isa sa mga dahilan kung bakit napakataas ang presyo ng mga produktong petrolyo ngayon. Aniya, pinag-aaralan na ngayon ang pagdadagdag ng buwis sa sigarilyo, e-sigarilyo, mga inuming nakalalasing, mga inuming inasukalan at karbon (ginagamit sa paglikha ng kuryente). Lalo itong papatong sa abot-langit nang presyo ng mga produkto at serbisyo sa ngayon.
Ani Dominguez, “tiwala” siya na ipagpapatuloy ng mga teknokrata sa gubyerno ang mga patakaran na ipinatupad ng rehimeng Duterte kaugnay sa pangungutang at pagpapataw ng buwis. Kabilang dito ang pagbabawas ng buwis sa malalaking kumpanya sa ilalim ng batas na CREATE.
Umabot sa $2 bilyon (mahigit ₱102 bilyon) ang inutang ng rehimeng Duterte para apulain diumano ang pandemya nitong nakaraang dalawang taon. Kabilang dito ang $1.2 bilyon na na ipinambili ng bakuna, halos lahat mula sa China, at $800 milyon para sa mga booster at bakunang pambata. Walang anumang pagtutuos sa mga transaksyong ito, at hindi isinasapubliko kahit ang presyo ng bawat bakunang binibili ng bansa mula sa China.
Sa kabuuan, umabot na sa ₱11.9 trilyon o 63.1% ng lokal ng gross domestic product (GDP) ang utang ng Pilipinas noong katapusan ng Setyembre 2021. Lampas ito kahit sa pamantayang itinakda ng mga imperyalistang institusyon tulad ng World Bank na 60% — ang antas na kayang bayaran ng mga bansang tulad ng Pilipinas.
Ayon sa Ibon, isang grupo sa pananaliksik, kung nais ng estado na makalikom ng rebenyu para pasikarin ang ekonomya, dapat patawan nito ng buwis ang yaman ng mga bilyunaryong Pilipino at kita ng malalaking korporasyon, imbes na ang mga pamilyang mababa at katamtaman lamang ang kita.
Sa taya ng grupo, maaaring umabot sa ₱476.1 bilyon ang kikitain ng gubyerno kung bubuwisan nang 1%-3% ang kabuuan hawak na yaman ng mga bilyunaryo. Maaari nang gamitin ng estado ang pondo mula rito para ipantustos sa mga programa para sa serbisyong sosyal at pangkagalingan ng mamamayan.
Noong nakaraang taon, lumaki nang 30% ang pinagsamang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino. Apat sa kanila ang nakapagdagdag ng $1 bilyon sa kanilang netong halaga sa loob lamang ng taon.