Pambobomba at mga pagpaslang, iniulat ng BHB-Leyte
Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan-Leyte (Mount Amandewin Command) noong Nobyembre 15 ang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga tropa ng AFP sa prubinsya noong Agosto-Setyembre.
Teror sa pambobomba. Tatlong bomba ang inihulog ng FA-50 fighter jet ng AFP sa bukirin ng Sityo Quarry, Abuyog noong Septyembre 29 bandang alas-3 ng madaling araw.
Nagdulot ito ng sindak at troma sa mga sibilyan. Dagdag na pasakit ito sa matagal nang bagsak na kabuhayan ng mga magsasaka sa lugar na dati nang nagtitiis sa mababang kita, mahal na upa sa lupa, at mababang sahod.
Kinabukasan, tatlong magsasaka — dalawa ang matanda na — ng iligal na inaresto ng mga sundalo ng 14th IB. Hindi pa rin sila pinakakawalan, ayon sa pinakahuling ulat ng BHB-Leyte.
Walang yunit ng Bagong Hukbong Bayan na tinamaan sa pambomomba.
Pagpatay at pang-aagawa ng lupa. Sa Southern Leyte, pinatay ng mga berdugong ahente ng 14th IB ang magsasakang si Marcos Dadap, 49, noong Agosto 17 sa Sityo Tabjon ng Barangay Kalagitan sa bayan ng Hinunangan.
Nagmomotorsiklo noon si Dadap bandang alas-6 ng umaga papunta sa kanyang sakahan nang barilin siya sa ulo ng dalawang lalaking natukoy na mga aktibong aset ng 14th IB. Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang bala ng calibre .45.
Pangalawang magsasaka si Dadap na pinaslang ng militar sa nasabing sityo. Kabilang siya sa mga residente na lumalaban sa antang pagpapalayas sa kanillang mga lupa para bigyan-daan ang pagtatayo ng gusali ng lokal na gubyerno. Ayon pa sa mga residente, naging mabagal ang pagresponde ng mga pulis at wala itong ginawang seryosong imbestigasyon.
Bago ang pamamaslang, ilang buwan nang nire-red-tag si Dadap ng mga ahente sa intelidyens ng 14th IB bilang tagasuporta ng BHB at pinipilit na magsilbing aset laban sa rebolusyunaryong kilusan.