Pamunuan ng UP, pumalag sa panibagong red-tagging
Kinundena ng pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang panibagong red-tagging kamakailan ng National Task Force-Elcac sa mga bumubuo ng komunidad ng UP. Sa isang kalatas noong Mayo 13, sinabi ng UP President Advisory Council na ang pahayag ng NTF-Elcac ay malisyoso at minamasama ang lehitimong mga porma ng protesta.
Ginawa ng NTF-Elcac ang pangrered-tag noong Mayo 11 nang pagbantaan nito ang mga kabataan na lumahok sa protesta laban sa mga iregularidad at anomalya sa eleksyong May 9. Binansagan din ng ahensya ang UP bilang “pugad ng rekrutment ng mga terorista.”
Naglabas rin ng pahayag mismo si National Security Adviser Gen. Hermogenes Esperon na nangrered-tag sa mga paaralang lumahok sa protesta. Inakusahan niya ang mga ito na nagrerekrut para sa Bagong Hukbong Bayan.
Para sa pamunuan ng UP, ang ganitong mga pahayag ay labag sa kalayaang sibil at nagdudulot ng kapahamakan sa mga mag-aaral sa kanilang paglahok sa demokratikong mga protesta.
“Walang batayan ang mga akusasyon at kapraningan ito,” ayon sa konseho. “Hindi kami magkikimi sa panahong ipinapahamak ang buhay ng aming mga mag-aaral.”
Anito, patuloy na ipagtatangol ng unibersidad kanilang demokratikong mga puwang at ipagtatanggol ang kanilang mga estudyante laban sa red-tagging, panggigipit at intimidasyon.
“Ang kritikal na pag-iisip at paglilingkod sa komunidad at bansa ay tatak ng tradisyong UP bilang isang institusyon,” dagdag nito.
Liban sa mismong pamunuan ng UP, kinundena ng mga estudyante, kanilang organisasyon at mga konseho ang panggigipit ng NTF-Elcac at ng rehimeng Duterte.