Panayam ng Ang Bayan kay CPP Information Officer Marco L. Valbuena hinggil sa tindig ng PKP sa armadong labanan sa Ukraine

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Inihapag ng ilang aktibista, kaibigan at mambabasa ang kritikal na usaping hindi malinaw o hindi lubos na kinundena ng PKP ang “pananakop sa Ukraine” ng Russia sa dalawang pahayag na inilabas nito bago ang “ispesyal na operasyong militar” noong Pebrero 24 at ang bakgrawnd na artikulong inilabas nang araw na iyon. May pananaw na bilang imperyalistang bansa, ang Russia ay may simbigat na responsibilidad sa US at mga alyado nito sa NATO sa pagpapatindi ng armadong labanan sa Ukraine. O kaya naman, nagsisilbi lamang sa interes ng mga oligarko ng Russia ang mga atake nito sa Ukraine at sa gayo’y dapat na tutulan ng uring manggagawa sa Russia at Ukraine at mamamayan ng buong mundo.

1. Una sa lahat, itinuturing ba ng PKP na imperyalista ang Russia?

Oo, imperyalistang kapangyarihan ang Russia, bagaman malayong mas mahina kaysa sa US, Japan, China, Germany, France at iba pang imperyalistang bansa. Bilang imperyalistang bansa, nagpapataw ang Russia ng kanyang kapangyarihan sa militar, pulitika at ekonomya sa mas maliliit na bansa partikular na yaong nakapalibot sa mga hangganan nito sa Central Asia at Eastern Europe, na karamiha’y dating kabilang sa Soviet Union (USSR) hanggang sa nalusaw ito noong 1991.

Mula nang agawin ng mga modernong rebisyunista ang pamunuan ng Soviet Union noong 1953 at kalauna’y ipinanumbalik ang kapitalismo, unti-unting nakonsentra ang kapital at mga rekurso sa kamay ng mga monopolyo kapitalista sa Russia na siyang pinakamalaking estado sa Soviet Union, sa kapinsalaan ng mas maliliit na myembrong estado at mga erya sa kanayunan ng Russia, na karamiha’y ginawang tagasuplay na lamang ng hilaw na materyales (mga butil at mineral). Naging palaasa sila sa pamumuhunang Russian at mga imported na kalakal mula sa Russia.

Pinananatili ng Russia ang dominasyon nito sa pamamagitan ng kapangyarihang militar, gamit ang arsenal nito ng sandatang nukleyar, isa sa pinakamalalaki sa buong mundo, na minana pa nito mula sa Soviet Union. Sa usapin ng lakas militar, ikalawa o ikatlo ang Russia sa mundo, nakaranggo kasunod ng US, at halos kapantay ng pangkalahatang lakas ng China. Halos kapantay nito ang US sa dami ng armas nukleyar at mas abante sa maraming larangan ng pananaliksik sa teknolohiyang militar kabilang ang pagpapaunlad ng mga sandatang hypersonic.

Gayunman, nasaid ang pang-ekonomyang mga rekurso ng Russia dahil sa labis na gastos sa militar kakumbina ng malawakang burukratikong korapsyon at pandarambong ng mga oligarko at grupong kriminal. Sa kabila ng pagiging bansang may pinakamalawak na teritoryo at ng malawak nitong rekursong pang-ekonomya, ang ekonomya nito’y hindi kasinlaki ng sa US o China (ika-11 lamang ito sa mundo sa usapin ng GDP batay sa pagtaya ng IMF noong 2021, katumbas lang ng 7% ng ekonomya ng US, at 9.7% ng sa China) at sa kabuua’y umaasa lamang sa pag-eksport ng langis at natural gas. Nagdurusa ang mga manggagawa’t mamamayan ng Russia sa istagnasyon ng ekonomya, laganap na kahirapan, tumitinding mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi, talamak na disempleyo, mababang sahod at lumulubhang kalagayang sosyoekonomiko.

2. Itinuturing ba ng PKP ang armadong labanan sa Ukraine na bunga ng inter-imperyalistang armadong tunggalian?

Ang kasalukuyang armadong labanan sa Ukraine ay nasa konteksto ng tumitinding mga kontradiksyon at armadong tunggalian sa pagitan ng mga imperyalista. Ipinapakita nito ang pagtutulak ng US at mga alyado nitong imperyalistang kapangyarihan na muling paghati-hatian ang mundo at agawin sa Russia ang kanyang saklaw ng impluwensya, pamumuhunan at kalakal; at ang kontra-tulak ng Russia na panatilihin ang kasalukuyang kaayusan at bawiin ang mga dati nitong saklaw.

Sistematiko at marahas na kinamkam ng NATO sa pangunguna ng US ang saklaw ng impluwensya ng Russia mula nang malusaw ang Soviet Union noong 1991, na inumpisahan sa gera at pagwasak sa Yugoslavia sa pangunguna ng US-NATO, at pagpapalawak ng NATO sa dating mga bansang kabilang sa Warsaw Pact sa central Europe (Czech Republic, Slovakia, Lithuania, Poland) at eastern Europe sa mga hangganan ng Russia. Tahasang paglabag ito sa Minsk Agreement ng 1991 na lumusaw sa USSR at naglaman din ng mga pagtitiyak ng US, NATO at OSCE na hindi gagawing mga myembro ng NATO ang dating mga myembro ng Warsaw Pact. Maging yaong mga nagbunyi na ang 1991 Minsk Agreement bilang makasaysayang pagtatapos sa Cold War at sa banta ng gerang nukleyar ay nangilabot kung paano ito sistematikong nilabag ng US at NATO.

Mula 1991, nakapagtayo ang US at NATO ng mga pasilidad militar at mga baseng misayl at anti-misayl sa Poland, Czech Republic at Romania, dagdag pa sa mga nasa Alaska sa hangganan ng Russia. Noong 2019, ibinasura ng US ang kasunduan sa intermediate-range ballistic missile (IRBM) sa Russia na lalong naghawan ng daan para sa pagpapalawak ng sistemang misayl ng US at NATO.

3. Ano ang ispesipikong mga kaganapang pinag-ugatan ng kasalukuyang armadong labanan sa Ukraine?

Bagamat mahalagang maunawaan ang armadong labanan sa Ukraine sa konteksto ng umiigting na tunggalian sa pagitan ng mga imperyalista, dapat nating kasunod na gagapin ang partikular nitong mga katangian, ang mayor na mga aspeto ng tunggalian at ang prinsipal na aspeto ng armadong labanan.

Dapat nating maunawaan na ang Ukraine ang huling prontera sa pagtutulak ng imperyalistang US na palibutan ng kanyang mga intermediate-range ballistic missile ang Russia. Gumastos na ang US ng di bababa sa $4 bilyon bilang ayudang militar sa Ukraine mula 1991, mahigit $2.5 bilyon nito mula noong kudeta ng 2014. Tumanggap na din ang bansa ng mahigit $1 bilyong ayudang militar mula sa NATO Trust Fund. Dagdag pa, may mga kasunduan ang United Kingdom sa Kyiv, kung saan popondohan ng UK ng 1.5 bilyong libra (o $2.01 bilyon) ang pagpapaunlad ng kakayahang nabal ng Ukraine at pag-aarmas sa mga barkong pandigma nito ng mga misayl ng UK, at pagtatayo ng baseng nabal sa Black Sea at sa Sea of Azov na nasa hangganan ng Ukraine, Crimea at Russia.

Matapos kainin ang saklaw ng impluwensya ng Russia sa central at eastern Europe mula 1991, itinulak ng imperyalismong US at mga alyado nito sa NATO ang pagtatayo ng kanilang kapangyarihang militar sa Ukraine at kumpletuhin ang lambat ng mga baseng misayl sa palibot ng Russia. Noong 2014, inudyok ng US ang kudeta sa Ukraine at nagpwesto ng rehimeng neo-Nazi. Ginawa ito sa pagpopondo at pag-aarmas sa ultra-kanang mga grupo sa ilalim ng tinaguriang Azov Battalion na binuo noong 2014 mula sa mga grupong tulad ng Patriot of Ukraine at Social National Assembly. Mauugat ang mga grupong ito sa Organization of Ukranian Nationalists (UNO) ni Stepan Bandera, at sa Ukrainian Insurgent Army, na kapwa nakaalyado ng Nazi Germany.

Marahas na sinupil ng rehimeng neo-Nazi ng Ukraine kakumbina ang mga pwersa ng Azov Battalion ang malawakang mga protesta ng mamamayan sa south at eastern Ukraine, gayundin sa Crimea, laban sa kudetang pinadrinuhan ng US. Matapos nito ay naglunsad ng mga pag-atake laban sa kalakhang Russian na populasyon sa Crimea at rehiyong Donbass. Kinatampukan ito ng malulubhang paglabag sa karapatang tao, mga krimen sa gera, maramihang pagnanakaw, iligal na pagdetine at tortyur. Sa pagtaya ng United Nations Commission on Human Rights, may 14,000 katao ang napatay sa mga masaker at panganganyon.

Ang mga atakeng Russophobic (pagkamuhi sa lahing Russian) laban sa rehiyong Donbass ang nagtulak sa mamamayan na maglunsad ng armadong paglaban at humingi ng suporta sa Russia. Pagsapit ng Abril 2014, idineklara ang pagkakatatag ng Donetsk People’s Republic at ang Lugansk People’s Republic, na lalong pinagtibay sa reperendum noong Mayo 11, 2014. Sa negosasyon noong 2014 at 2015 sa pagitan ng Ukraine, Russia, Germany at France sa Minsk, kinilala ang rehiyong Donbass bilang awtonomong lugar sa ilalim ng Ukraine, inatras ang lahat ng dayuhang tropa, at nagtatag ng “linya ng kontak” na hindi tatawirin o papasukin ng alinman sa dalawang panig.

4. Ano ang kalagayan ngayon ng mga kasunduan sa tigil putukan sa rehiyong Donbass noong 2014 at 2015?

Hindi tumigil ang mga atake laban sa mamamayan ng rehiyong Donbass matapos ang mga kasunduan sa Minsk noong 2014 at 2015 na paulit-ulit na nilabag ng Ukraine na nagpatatag ng kanyang mga pwersa sa kahabaan ng tinaguriang “linya ng kontak.” Sa taong ito pa lamang, ang mga organisasyong sumusubaybay ay nakapagtala ng 8,000 paglabag sa kasunduan, na karamiha’y mula sa panig ng Ukraine.

Ipinadala ng US sa palibot ng Donbass ang mga armas, tagapayong militar at mga pribadong kontraktor panseguridad upang armasan, sanayin at sulsulan ang pwersang militar ng Ukraine na maglunsad ng mga atake laban sa mamamayan ng Donetsk at Lugansk. Ang kagyat na layunin ng US ay udyukan ang Russia upang bigyang katwiran ang papatinding interbensyong militar at pagpopondo nito sa militar ng Ukraine, itulak ang pagpapaloob ng Ukraine sa NATO, at obligahin ang Germany at iba pang alyado sa Europe na kanselahin ang mga kasunduan sa kalakalan sa Russia, partikular laban sa operasyon ng Nord Stream 2 (pipeline ng natural gas).

Paulit-ulit na nananawagan ng negosasyon ang Russia at ang kalakhang mamamayang Russian sa Donbass upang balikan ang mga kasunduang Minsk noong 2014 at 2015 upang magkaroon ng mas malinaw na probisyon para tiyakin ang pagpapatupad ng mga ito. Ang pagpapakita ng pwersa ng Russia mula Disyembre sa kanlurang hangganan nito ay direktang panawagan para sa negosasyon na muling balikan ang mga pinagkasunduan sa Minsk at magbuo ng bagong mga kasunduan upang tiyakin ang seguridad ng Donbass, at itulak ang malinaw na pagbabawal sa pagpapaloob ng Ukraine sa NATO.

Sa udyok ng US, winalang-bahala ng Ukraine ang mga panawagan para sa negosasyon. Sa halip, pinatindi nito ang mga atake laban sa Donetsk at Lugansk, kung saan noong Pebrero 21 ay nagpalipad ng 1,500 bala ng kanyon sa loob ng 24 oras na tumama sa mga imprastrukturang sibilyan, kabilang ang mga planta ng enerhiya, sistemang patubig at mga paaralan.

Ang lansakang mga atakeng ito ang nagtulak sa DPR at LPR na magdeklara ng sesesyon o paghihiwalay mula sa Ukraine bilang tanging natitirang opsyon upang matapos ang pang-aapi sa kanila. Pinaigting din ng mga ito ang panawagan sa Russia na kilalanin ang DPR at LPR at mga independyenteng bansang estado kapwa sa loob ng Donbass, sa Belarus at sa loob ng Russia. Pormal na kinilala ng Russia ang DPR at LPR noong Pebrero 22 at agad na nagpadala ng mga pwersang “tagapamayapa” upang palakasin ang depensa ng Donbass laban sa mga atake ng Ukraine, at pagkatapos nito’y naglunsad ng “ispesyal na operasyong militar.”

Ang deklaradong layunin ng “ispesyal na operasyong militar” na inilunsad ng Russia sa Ukraine ay pangunahing pumapatungkol sa pakikibaka ng mamamayan ng Donbass na ngayo’y nagkahugis bilang pagtatanggol ng kanilang karapatan sa pambansang pagpapasya-sa-sarili.

5. Kinundena ng PKP ang US sa pang-uudyok ng gera sa Ukraine. Hindi ba sa katunayan ay dapat sisihin kapwa ang mga imperyalistang US at Russia sa kasalukuyang armadong labanan sa Ukraine?

Naglabas nga kamakailan ang PKP ng pahayag na kumukundena sa pang-uudyok at pang-uupat ng gera ng US sa Ukraine, partikular sa hibang na mga atake nito laban sa Donbass upang udyukan ang Russia. Kinundena rin nito noon ang pagpapalawak ng NATO tungo sa mga hangganan ng Russia, gayundin ang mga panghihimasok at panggugulo ng US sa Chechnya at Georgia na tinaguriang mga “color revolution.”

Sa pangunahin, itinuturing ng PKP ang kasalukuyang armadong labanan na direktang resulta ng pinatinding mga atake ng armadong pwersa ng Ukraine laban sa mamamayan sa Donbass, na inudyukan ng US at pinlano kasama ang mga tagapayong militar ng US.

Ang armadong mga aksyon ng Russia sa Ukraine ay inudyukan. Itinuturing ng PKP ang hakbang ng Russia, sa taktika ay bilang kontra-reaksyon sa walang-patid na pang-uupat at atakeng militar na suportado ng US laban sa Donbass. Naiwasan sana ang pag-igting ng armadong labanan kung tumugon lamang ang Ukraine sa mga panawagang itigil nito ang mga atake laban sa Donbass at makipag-negosasyon. Gayunman, mulat ang PKP na ang suporta ng Russia sa Donbass ay itinutulak ng kanyang estratehikong imperyalistang interes na tiyakin at palawakin ang kanyang hegemonikong interes.

Kung simpantay na kukundenahin natin ang US at Russia sa pagpapaigting ng armadong labanan sa rehiyon, pawawalangsaysay natin ang kawastuhan ng pakikibaka ng mamamayan ng Donetsk at Lugansk para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili, ang magiting na armadong paglaban ng mamamayan ng Donbass, at ang kanilang pagsisikap na samantalahin ang tunggalian sa pagitan ng mga imperyalista sa pamamagitan ng pagkuha ng suporta ng Russia. Mangangahulugan din itong mali ang mamamayan ng Donbass na hingin ang tulong ng Russia upang labanan ang agresyon ng Ukraine.

Sa katunayan, makatwirang punahin ang Russia at si Putin sa sobrang huli na pagbibigay ng sapat na suporta sa mamamayan ng Donetsk at Lugansk. Sa loob ng walong taon, hinayaan nito ang mga pasistang Russophobic na kitlin ang buhay ng 14,000 Russian na isinilang sa Ukraine, ang pagwasak sa kanilang mga pabrika, tahanan, paaralan, ospital at pampublikong mga yutilidad at ang pwersahang paglikas ng milyun-milyong Russian, na siyang nagpaliit ng populasyong Russian sa Ukraine mula 22% noong 2014 tungong 17% sa 2022.

Dapat matatag na tumindig ang mamamayan ng Donetsk at Lugansk para sa kanilang karapatan sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at magkaroon ng patakarang panlabas na naaayon sa kanilang pambansang interes. Habang nakukuha ang suporta ng Russia, dapat ding matatag na tumindig ang mga republikang bayan ng Donetsk at Lugansk laban sa pagpapataw ng kapangyarihan ng Russia at igiit ang pantay ng pagturing bilang independyenteng bansang estado. Pero tanging ang mga imperyalistang US-NATO at mga Trotskyista lamang ang maggigiit ngayon na labanan ng mamamayan ng Donetsk at Lugansk ang “pananakop” ng Russia na siyang tumutulong sa kanilang labanan ang mga pasistang papet ng US at NATO sa Kyiv.

6. Ibig sabihin ba nito na itinuturing ng PKP na makatwiran ang “ispesyal na operasyong militar” ng Russia sa Ukraine dahil sa deklaradong layunin nitong wakasan ang mga atake laban sa mamamayan ng Donbass?

Sa punto de bista ng pambansang rebolusyonaryong gera ng mamamayan ng Donetsk at Lugansk, makatwiran at kinakailangan ang suportang militar ng Russia. Bago pa ang direktang suporta ng Russia, sa totoo’y mistula na silang kinakatay ng mga pwersang Ukraine na suportado ng US at hayagang yumurak sa lahat ng nagdaang internasyunal na kasunduan.

Gayunman, malalim rin ang pagkabatid ng PKP na imperyalistang kapangyarihan ang Russia na itinutulak ng kanyang layuning magpataw ng kapangyarihan at pagnanais na ipagtanggol at palawakin ang saklaw ng kanyang impluwensya at kontrol. Habang ang deklarasyong “ispesyal na operasyong militar” ng Russia ay katugma ng layunin ng Donbass na wakasan ang mga atake ng Ukraine, ang pangunahing motibo ng Russia ay ang kanyang imperyalistang hangaring ipagtanggol ang kanyang saklaw ng impluwensya at estratehikong layuning muling magtayo ng papet na estado sa Ukraine.

Kung magpapakatotoo ang Russia sa deklarasyon nitong bibirahin lamang ang mga target militar at hindi mag-ookupa ng teritoryo, ang mga hakbang nito ay maituturing na depensibo at pagganti na sa kabuua’y katanggap-tanggap sa ilalim ng internasyunal na mga batas ng digma. Nasa Russia na kung hindi ito natuto sa mga aral ng panggegera at pananakop ng sosyal-imperyalistang Soviet sa Afghanistan noong dekada 1980 at mula sa mga digmang agresyon at okupasyon ng US mula nang magwakas ang World War II na binigo ng mga paglaban ng mamamayan ngunit nagdulot ng pagkamatay ng 25-30 milyong katao at ikinatalo ng US na nagpabilis sa kanyang estratehikong pagbagsak.

May impormasyong umaabante ang mga pwersang militar ng Russia lampas sa Donbass, at umookupa ng teritoryo ng Ukraine, sa tulak ng mga ulat ng masaker ng mga pwersa ng Azov Battalion sa rehiyong Russian ng Kharkiv.

Kaisa ang PKP sa panawagan sa mamamayang Ukrainian na igiit ang pagwawakas sa Russophobic na pasistang mga atake at igiit sa kanilang gubyerno na igalang at protektahan ang mga Ukrainian na may lahing Russian sa iba’t ibang syudad ng Ukraine sa loob at labas ng Donbass.

Kasabay nito, sinusuportahan ng PKP ang kanilang pakikibaka upang ipagtanggol ang soberanya ng bansa at sa paggigiit na isuspinde ng Russia ang kanyang mga opensibang militar, iatras ang mga pwersa nito sa lalong madaling panahon, at hawanin ang daan para sa usapan at mapayapang pagresolba sa labanan.

7. Ang pag-atake ng Russia sa Ukraine ay nasa ika-5 araw na ngayon. May mga balita ng mga sibilyang kaswalti at mga apartment na nawasak ng pagsabog ng rocket. Malawakang lumilikas ang mga taga-Kyiv at ibang lugar. Sa kabilang panig, iginigiit ng Russia na hindi nito tinatarget ang mga sibilyan at nagpahayag na napuksa nito ang may 975 pasilidad militar ng Ukraine, at nagpapabagsak ng mga jet, helikopter at drone. Sa mga pagbababagong ito, ano ang panawagan ng PKP?

Sa panahon ng matinding armadong tunggalian, makapal ang alikabok, at mahirap na kagyat siguruhin kung ano ang totoo. Inaasahan na patitindihin ng kapwa panig ang opensiba sa propaganda nito para suportahan ang kani-kanilang layuning militar. Maging ang kumakalat na larawan ng isang apartment sa Kyiv na nawasak ng pagpapasabog ng misayl ay hindi beripikado at may pinagdududahan: sinasabi ng Ukraine na ito ay natamaan ng misayl ng Russia, habang mayroon namang impormasyon nagsasabing nawasak ito ng isang misayl o anti-misayl na rocket ng Ukraine na pumalya.

Sa harap ng blitzkrieg o mabilis na pag-atake ng Russia, hayagang nagpahayag ng pagkadismaya ang Kyiv na “iniwan kaming mag-isa” sa paglaban, at nagdeklara ng pagiging bukas sa dayalogo para pagtalakayan ang “pagiging nyutral” ng Ukraine at iba pang mga isyu. Tinugon ito ng atas ng Russia na suspendihin ang mga operasyong militar noong Pebrero 25.

Subalit, pinaigting pa ng imperyalistang US at mga alyado nito ang interbensyon sa desisyon ng US na magbigay ng $600 milyong ayudang militar sa Uraine. Nagawa din ng US na itulak ang Germany na magpadala ng mga tangke at iba pang armas taliwas sa sarili nitong patakaran na hindi pagpapadala ng mga armas sa mga erya na may sigalot. Dahil sa mga ito, muling lumakas ang loob ng gubyernong Zelensky na bumalik sa dati nitong tindig na handang lumaban at abandunahin ang nakatakdang mga negosasyon. Ang naging tugon ng Russia ay simulan muli ang mga pag-atake.

Para sa PKP, maganda ang bagong mga balita na ang linya sa pakikipagdayalogo ay nananatiling bukas, na nagmumungkahi ang Ukraine na makipagkita sa mga upisyal ng Russia sa syudad ng Gomel sa Belarus, at na ang Russia ay nagdeklara na magpapadala ito ng delegasyon. Nakatakdang magsimula ang usapan ngayon. Gayunman, nag-anunsyo ang Russia hindi na nito muling sususpendihin ang mga pag-atakeng militar sa panahon ng paparating na dayalogo.

Hinihimok ng PKP ang Russia na suspendihin nito ang mga opensibang militar laban sa Ukraine para itaas ang tsansa ng pagtatagumpay ng mga usapan, at ang mga awtoridad ng Kyiv na ihinto ang kanilang opensiba laban sa mamamayan ng rehiyong Donbass, at ang pag-atake sa mga Russian ng mga Russophobic na yunit nito sa teritoryo at mga grupong vigilante na neo-Nazi tulad ng Azov Battalion laban sa mga komunidad at apartment ng mga Russian.

Higit sa lahat, nananawagan ang PKP sa US at mga alyado nito sa NATO na itigil na ang panghihimasok at panunulsol sa Ukraine na paigtingin ang gera, at hayaan ang dayalogo sa pagitan ng dalawang bansa na magpatuloy at tiyakin na mareresolba ang tunggalian sa pamamagitan ng mapayapang mga negosasyon para talakayin ang mga isyu ng magkabilang panig.

Nananawagan ang PKP sa mga manggagawa at mamamayan ng Ukraine na igiit ang pagwawakas sa gerang henosidyo laban sa mamamayan ng rehiyong Donbass, labanan ang agresyon ng Russia, tutulan ang interbensyon ng US at NATO at ipaglaban ang pagiging nyutral ng kanilang bansa sa harap ng tumitinding tunggalian sa pagitan ng mga hegemonikong kapangyarihan.

Nananawagan ang PKP sa mga manggagawa at mamamayan ng Russia na paigtingin ang kanilang suporta para sa pakikibaka sa pambansang pagpapasya-sa-sarili ng mamamayan ng rehiyong Donbass at igiit sa gubyernong Putin na kagyat na suspendihin ang opensibang militar nito laban sa Ukraine, makiisa sa mga demokratikong mamamayan ng Ukraine at isulong ang kanilang sariling pakikibaka laban sa oligarkiya at naghaharing mga uri ng Russia.

AB: Panayam ng Ang Bayan kay CPP Information Officer Marco L. Valbuena hinggil sa tindig ng PKP sa armadong labanan sa Ukraine