Pandaigdigang gastos militar, walang kapantay noong 2021

,

Sa kauna-unahang pagkakataon, lumampas sa $2 trilyon ang pinagsamang ginastos ng lahat ng bansa sa mundo para sa pagbili at pagpapaunlad ng mga armas sa gera noong 2021.

Ayon sa pag-aaral ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI), umabot sa “all-time high” o wala pang kapantay na $2.1 trilyon ang paggastang militar noong nagdaang taon. Pinakabagong rurok ito sa 7-taong walang awat na pagtaas ng gastusing militar na bahagi ng mga paghahanda para sa digma.

Pinakamalalaking gumasta para sa militar ang US, China, India, United Kingdom at Russia.

“Kahit sa gitna ng pagbagsak ng mga ekonomya dulot ng pandemyang Covid-19, tumaas sa walang kapantay ang paggastang militar ng mundo,” ayon sa SIPRI. “Sa kabuuan, tumaas ang paggasta nang 6.1%.”

Pinamalaki pa rin ang gastos militar ng US ($801 bilyon o halos 40% sa kabuuan). Ito ay kahit bahagyang bumaba ang inilaan ng presidente nitong si Joseph Biden noong 2021 kumpara sa 2020. (Ito rin ang taon na umatras ang US sa Afghanistan, isa sa pinakamalaki at pinakamatagal nitong gera.)

Ayon sa SIPRI, malaki ang ibinubuhos ng US na puhunan sa pananaliksik at pagpapaunlad ng mga bagong armas pandigma. Kabilang sa pinakamalalaking kontratang iginagawa nito mula pa nakaraang dekada ay sa mga monopolyong kumpanya sa teknolohiya, tulad ng Microsoft, Amazon, Google, Facebook at Twitter.

Tinatayang umabot sa $293 bilyon ang gastos militar ng China, mas mataas nang 4.7% noong 2020. Walang awat ang paglaki ng badyet militar nito sa nakaraang 27 taon.

Kinakitaan din ng paglaki ng gastos militar ang Russia ($65.9 bilyon) na mas mataas nang 2.9% kumpara sa naunang taon. Kasabay ito ng paghahanda ng bansa na depensahan ang hangganan nito noong nakaraang taon.

Ang iba pang nasa 10 may pinakamalalaking gastos militar ang France, Germany, Saudi Arabia, Japan at South Korea. Kung pagsama-samahin, gumasta ang mga ito ng $1,578 bilyon, na 75% ng kabuuang paggastang militar sa buong mundo.

AB: Pandaigdigang gastos militar, walang kapantay noong 2021