Panggigipit sa mga komunista sa Germany, kinundena ng PKP

,

Kinundena kahapon ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang isinasagawang pagtugis sa tatlong upisyal ng Marxistisch-Leninistische Partei Deutschlands (MLPD), isang partido komunista ng manggagawang German.

Ayon sa MLPD, pinaghahanap ngayon ng Federal Criminal Police Office BKA ang tagapangulo ng partido na si Gabi Fechtner sa buong Europe. Noong nakaraang taon, si Fechtner, kasama si Stefan Engel, pinuno ng Revolutionärer Weg (Revolutionary Way), pahayagang teoretikal ng MLPD, at si Monika Gärtner-Engel, responsableng tao ng MLPD sa gawaing internasyunalismo, ay naiulat na hinahanap ng mga ahente ng estadong German. Sa loob ng halos kalahating taon simula Disyembre 3, ang tatlo ay itinuring na “wanted” (hinahanap ng batas) sa buong Schengen Area (na kinabibilangan ng 26 bansa sa Europe.)

Ayon kay Valbuena, ang pasistang pagtugis sa MLPD ay nagpapaalala sa witch-hunt na isinagawa ni Hitler at pagsupil sa mga komunista kasabay ng pag-angat niya bilang isang pasistang hibang.

Binigyang-katwiran ng tinatawag na Office for the Protection of the Constitution ang paglalabas ng atas laban sa mga lider ng MLPD sa sinasabi nitong “pakikipag-ugnayan sa mga teroristang organisasyon” sa Kurdistan at Turkey. Sumusuporta ang MLPD sa mamamayan at pwersang rebolusyonaryong Kurdish at Turkish sa kanilang makatarungang paglaban sa pasistang rehimen ni Erdogan sa Turkey.

Binanggit din ni Valbuena na matagal nang sumusuporta ang MLPD sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa pasistang pang-aapi at paglaban nito para sa pamabansa at panlipunang paglaya.

“Ang tumitinding pag-atake laban sa MLPD ng estado ng reaksyunaryong monopolyong burgesya ay patunay na epektibo nitong ginagampanan ang tungkuling labanan ang imperyalismong Germany at isulong ang komunistang adhikain para sa mamamayang German at internasyunal na proletaryado at lahat ng api at pinagsasamantalahang mamamayan,” dagdag ni Valbuena.

Ipinarating ni Valbuena ang pakikiisa ng PKP sa MLPD at sa mga upisyal nito at kasapian sa kanilang paglaban sa umiigting na pasistang pang-aapi sa kanila.

“Kinikilala ng Partido ang militansya at determinasyon ng MLPD,” dagdag pa niya. Nanawagan rin si Valbuena sa lahat ng mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa at organisasyon sa Pilipinas at sa buong mundo na ipagtanggol ang MLPD.

Nagpahayag din ng hiwalay na pakikiisa si Prop. Jose Maria Sison bilang Chairperson Emeritus ng International League of People’s Struggle sa MLPD.

Ayon kay Prop. Sison, ang mga pag-atakeng ito sa MLPD ay labag sa kanilang integridad, demokratikong karapatan at pundamental na mga kalayaan bilang isang awtorisado at protektadong demokratikong partido sa ilalim ng konstitusyon.

Idinagdag din ni Prop. Sison na, kahit kailan, ang pakikipagkaisa sa laban ng api at pinagsasamantalahang mamamayan sa daigdig, ay hindi terorismo.

AB: Panggigipit sa mga komunista sa Germany, kinundena ng PKP