Paniningil ng mga magsasaka sa gubyernong Modi ng India, suportado ng CPI (Maoist)
Nagpahayag ng suporta ang Communist Party of India (CPI)-Maoist sa protesta ng mga magsasaka noong Enero 31 laban sa pagtalikod ng gubyernong Modi sa mga pangako nito. Tinawag ang protesta bilang “Vishvasghat Diwas” o “Araw ng Pagtataksil.” Hinikayat ng Komite Sentral ng CPI-Maoist ang mga magsasaka at mamamayan ng bansa na ipagtagumpay ang naturang protesta. Sinabi ng tagapagsalita nito na si Kasamang Abhay na hindi tinupad ng sentral na gubyerno ang iginigiit ng mga magsasaka bago pa ibinasura ang tinaguriang Tatlong Batas sa Agrikultura.
Matatandaang milyun-milyong magsasaka ang nagprotesta mula Setyembre 2020 hanggang maibasura ang naturang mga batas noong Disyembre 2021. Sa ilalim ng mga batas na ito ay binibigyang-kapangyarihan ang malalaking korporasyon na kontrolin ang presyo ng produkto ng mga magsasaka. Gayunman, hindi tinupad ng gubyerno ang iginigiit ng mga magsasaka na magbuo ng komiteng magtatakda sa presyo ng mga produktong agrikultural. Hindi rin iniatras ang mga kaso laban sa mga magsasakang dinakip sa panahon ng mga protesta, at hindi pinatalsik si Minister Ajay Mishra. Ang anak ni Mishra ang sumagasa ng kanyang sasakyan sa mga nagpoprotesta noong Oktubre 2021 na ikinamatay ng walong magsasaka.
Maraming iba pang kahingian ang mga magsasaka na hindi tinupad ng gubyerno.
Tinatayang aabot sa 500 distrito sa buong bansa ang pinaglunsaran ng mga protesta na pinamunuan ng alyansang Samyukta Kisan Morcha. Sa Uttar Pradesh, nagkaroon ng protesta sa iba’t ibang distrito at lokal na mga gubyerno. May mga ulat din na nagkomboy ang mga traktora sa mga lugar ng protesta sa Haryana.
Ipinahayag din ng mga magsasaka ang kanilang mga hinihingi sa pamamagitan ng isang sulat sa presidente ng bansa.
Sa kaugnay na balita, nanawagan din si Kasamang Abhay sa uring manggagawa at aping mga seksyon ng bansa na lumahok sa pambansang welga sa Pebrero 23-24. Ipinatawag ng mga unyon sa paggawa ang naturang pagkilos para igiit na ibasura ang apat na kontra-manggagawang batas.