Paninira ng AFP sa kagubatan ng Bukidnon, kinundena ng mga syentista
Kinundena kahapon ng rebolusyonaryong organisasyon ng mga syentista ang tuluy-tuloy na pambobomba ng militar sa Impasug-ong, Bukidnon na anila’y sumisira sa kalikasan.
Nagpahayag ang Liga ng Agham para sa Bayan o LAB, samahan ng mga syentista na nakapaloob sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), matapos ang walang-habas na pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Nobyembre 3 sa Sityo Gabunan, Barangay Dumalaguing sa naturang bayan. Ayon sa mga ulat, aabot sa tatlong tonelada ng bomba ang inihulog ng mga OV-10 at FA-50 jetfighter na nagresulta sa pagkasunog ng malaking bahagi ng kabundukan.
Ang pambobomba ay ikalawang ronda ng pambobomba mula noong hatinggabi ng Oktubre 30, nang bombahin ang mga bundok sa sityo ding iyon. Bahagi iyon ng engrandeng palabas sa ere ng AFP para pagmukhaing napatay sa engkwentro si Ka Oris, tagapagsalita ng National Operational Command ng Bagong Hukbong Bayan. Si Ka Oris at ang medik na si Ka Pika ay tinambangan ng mga elemento ng 403rd Ibe sa daan papunta ng national highway sa naturang bayan noong Oktubre 29, halos 20 kilometro ang layo sa lugar ng pambobomba.
Ayon sa mga syentista, napakabulnerable ng Pilipinas sa epekto ng climate change, sa partikular sa malalakas at madalas na mga bagyo, papatinding tagtuyot at pagtaas ng lebel ng karagatan. Ang panununog sa natitirang kagubatan ay magdudulot ng pagpakawala ng tone-toneladang carbon dioxide sa atmospera na magpapalala sa climate change.
Isinapanganib din ng pambobomba ang wildlife o mga hayop sa kagubatan, ayon pa sa mga syentista. May masamang epekto ito sa kabuhayan sa mga nakapaligid na komunidad.
“Maaaring muling buhayin ang mga gubat pero mangangailangan ito ng matagal na panahon bago makapagbigay ng kaparehong serbisyo sa ecosystem. Ang mga nasunog na mga gubat ay maaaring hindi na makababalik sa dati nitong kalagayan, laluna kung signipikante ang nawalang biodiversity nito,” anila.
“Dapat mahiya ang AFP na sila ngayo’y mga ahente ng paninira ng kapaligiran,” dagdag pa nila. Dati nang kilala ang AFP bilang instrumento ng pagkawasak ng kapaligiran sa kanilang papel sa pagtatanggol at pagpapanatili ng mapangwasak na operasyon ng mga mina, pagtotroso at komersyal na plantasyon.
“Kung inaakala ng AFP na makapanghihina ito sa rebolusyon, nagkakamali sila,” ayon pa sa mga syentista. Batid nilang lalo lamang nagalit ang mamamayan sa walang patumanggang panununog sa kagubatan.
Sa harap ng malawakang paglabag sa karapatang-tao at walang patumanggang paninira sa kapaligiran, lalo lamang natutulak ang mga syentista, technologist at engineers na lumahok at magsulong ng digmang bayan.