Panukalang mandatory military service ni Sara Duterte, binatikos
Inulan ng batikos ang pahayag ni Sara Duterte-Carpio na kung mananalo siya bilang bise presidente, itutulak niya na gawing rekisito sa lahat ng kabataang Pilipino na magsilbi sa militar. Sa isang panayam noong Enero 19, sinabi ni Duterte-Carpio na hindi lamang ROTC (Reserved Officers Training Course) ang itutulak niya kundi ang pagpasok mismo ng kabataan sa Armed Forces of the Philippines.
Bumaha sa social media ang batikos, laluna mula sa kabataan. Sinariwa nila ang kaso ni Mark Welson Chua, ang mag-aaral ng University of Sto. Tomas na nasawi sa kamay ng mga upisyal sa ROTC ng unibersidad noong 2001. Pinatay si Chua matapos ilantad niya at kapwa kadete na si Romulo Yumul noon ang mga iregularidad sa programa at pang-aabuso ng mga upisyal sa mga kadete.
Para sa grupong Karapatan, marami nang kaso ng tortyur, iligal na pag-aresto at detensyon, at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao na isinasagawa sa ngalan ng “pagsasanay” ng kabataan. “Labag ito sa sibil at pampulitikang karapatan gaya ng karapatan malayang pag-iisip, paniniwala laluna kung sapilitan kang pinagserbisyo para sa di-makatwirang digma o panunupil ng estado,” ayon kay Cristina Palabay, pagkalahatang kalihim ng grupo.
Ayon naman kay Marco Valbuena, chief information officer ng PKP, ipinakikita lamang ng panukalang ito ni Duterte-Carpio ang kanyang pasistang pag-iisip. Wala itong layunin kundi ang gawing bulag na tagasunod sa pasistang kaayusan ang kabataang Pilipino. Hihimok lamang ito sa mas maraming kabataan na itaguyod ang diwa ng paghihimagsik.
“Lalabanan ng mga kabataan ang mga ambisyon ng mga itong hangad na maging diktador,” pagwawakas ni Valbuena.