Panunumbalik ng open pit mining at TGCP, mariing tinututulan
Mariing tinututulan ng mamamayan ng South Cotabato ang panukalang pagpayag ng prubinsya sa open-pit mining na magbibigay daan sa operasyon ng Tampakan gold-copper project. Patuloy na lumalawak ang oposisyon at muling pagsama-sama ng iba’t-ibang mga grupo ng mamamayan at mga indibidwal para ipagtanggol ang Environment Code ng prubinsya na nagbabawal sa open-pit mining at para pigilan ang hakbang ng pamahalaang panlalawigan na amyendahan ito. Ayon sa mga tumututol, ang kumpanyang Sagittarius Mines Inc. (SMI) na nag-oopereyt ng TGCP ang pangunahing makikinabang sa planong pagsususog.
Isang kampanya sa paglalagda ng petisyon para panatilihin ang pagbabawal sa open-pit mining ang inilunsad noong Oktubre 2020 sa pangunguna ng Diocese of Marbel. Sa pangunguna ng multi-sektoral na koalisyong Tampakan Forum, umabot sa 93,453 ang nakalap na pirma ng mga sumusuporta sa petisyon. Subalit ipinagkibit-balikat lamang ito ng pamahalaang pamprubinsya. Noong Pebrero 18, inumpisahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang serye ng mga pampublikong pandinig upang talakayin ang iminumungkahi nitong pag-amyenda sa Environment Code.
Ayon naman sa mga kumokontra sa pag-amyenda, ito ay pagtatakwil sa pasya ng korte laban sa mosyong pagpapawalambisa sa nasabing kodigo na isinampa ng mga konseho ng tribu na sumusuporta sa SMI. Ayon sa desisyong inilabas noong Oktubre 2020, pinanigan ng korte ang ligalidad ng Environment Code at ipinaliwanag na naaayon ito sa mga probisyon ng konstitusyon at ng Local Government Code. Binigyang diin din ng mga tumututol na kung matutuloy ang pagsususog, ang kompanyang Sagittarius Mines Inc. (SMI) na nag-oopereyt ng TGCP ang pangunahing makikinabang dito.
Naninindigan din ang iba’t-ibang grupo ng mga magsasaka na tinututulan nila ang pag-aamyenda at tinukoy ang mga panganib na idudulot ng pagmimina sa kalikasan at mga tubig-saluran. Ipinaliwag din ng grupong Magsasaka at Siyentipiko Para sa Pag-Unlad ng Agrikultura (MASIPAG) na huwad ang pangakong kaunlaran sa operasyon ng open-pit mining dahil isa itong malaking banta sa mga magsasaka at Lumad na lumilikha ng pagkain.
Ang Environment Code ay naisabatas noong 2010 bunga ng paggigiit ng mamamayan sa prubinsya na itigil ang operasyon ng Xstrata-SMI na gumagamit ng sistemang open-pit sa pagmimina. Naging kasangkapan ang kodigo sa paghadlang ng mamamayan sa TGCP sa harap ng Executive Order 79 ng rehimeng Benigno Aquino na naglalayong pangibabawan ang pagbabawal sa open-pit mining at pagkalooban ng Environment Compliance Certificate ang SMI noong Pebrero 2013.
Ang walang patid na pakipagtunggali, mga tagumpay, at patuloy na paglaban
Ang Tampakan gold-copper project (TGCP) ay sumasaklaw sa ilampung libong ektarya ng mina sa hangganan ng mga prubinsya ng South Cotabato, Davao del Sur, Sultan Kudarat at Sarangani Province. Nandito ang pinakamalaking mina ng ginto sa buong timog silangang Asya at isa sa pinakamalaking deposito ng copper sa buong mundo.
Tatlong dekada nang nilabanan ng mamamayan ng timog sentral Mindanao ang TGCP sa paraang ligal at armado. Dahil sa malakas at malawakang demokratikong kilusang masa at sa pakikiisa ng masigasig na armadong paglaban ng masa at matatagumpay na mga aksyong pagpaparusa at opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon ay napalayas ang mga dambuhalang multinasyunal na noo’y nag-oopereyt ng mina.
Noong 2005, matapos ang mahigit isang dekadang pagtangka nitong ilarga ang operasyon, tahasang umatras ang Western Mining Corporation ng Australia at ibinenta ang sapi nito sa Xstrata Plc (kumpanyang Swiss). Sa tulong ng lokal na kasosyo nitong SMI ay napasok ng Xstrata ang minahan. Subalit nabigo ang Xstrata-SMI na abutin ang itinakda nitong operasyon. Umalis ang Xstrata noong 2013 at ibinenta ang kanilang karapatan sa pagmimina sa Glencore na isang kompanyang Anglo-Swiss. Sinalubong naman ng matinding pagtutol ng mamamayan ang pagpasok ng Glencore, at noong 2015 ay tuluyan ding iniwan nito ang proyekto.
Nagtagumpay din ang ligal na mga paglaban ng mamamayan na sumalungat at humadlang sa mga programa at patakaran ng pamahalaan para sa pagmimina. Noong 2004, nanalo ang petisyong inihain sa korte ng organisasyong La Bugal na kumukwestyon sa ligalidad ng Mining Act of 1995. Subalit makaraan ang ilang buwan ay binawi ng Korte Suprema ang desisyon sa dahilang kinakailangan umano ng estado ang kita mula sa mga dayuhang mamumuhunan sa mina.
Laganap na karahasan naman ang itinugon ng AFP at mga bayarang ahente ng kumpanya para sa mga kumukontra sa proyektang mina sa anyo ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, pandadampot at pagtotortyur laban sa mga humahadlang sa mga operasyong mina. Ilan sa mga biktimang pinaslang ay ang mga aktibistang sina Renato Pacaide, magkapatid na Lagaro, Boy Billanes, ang mag-amang Datu Anting at Viktor Freay at si Jovy Capion at kanyang dalawang menor de edad na anak. May mga kaso ng pagkawala ng ilang indibidwal ang iniuugnay din sa militar.
Naipanalo ng mamamayan ang kanilang laban nang matigil ang operasyon ng TGCP noong 2014. Kasunod nito ay kinansela ang ECC ng SMI noong 2017, na sinundan ng pagbabawal sa open-pit mining ng pambansang gubyerno. Subalit nagpatuloy ang banta ng panunumbalik ng operasyon sa Tampakan sa pagpasok ng ilang makapangyarihang komprador burges na nakisosyo sa SMI para ipagpatuloy ang proyekto.
Makaraan ang ilang taon ng pagkatigil ng operasyon ay ibinalik ng rehimeng Duterte ang ECC ng SMI noong Mayo 6, 2019. Ang FTAA ng kumpanya na napaso noong noong Marso 21, 2020 ay binigyan ng labindalawang taong palugit o hanggang Marso 21, 2032. Pagkatapos ng 2032, ang FTAA ay maaring palawigin pa ng karagdagang 25 taon.
Noong Setyembre 19, 2020 naglabas ang NCIP ng “Certification Precondition” o CP para sa SMI na nagbigay-pahintulot sa kumpanya na magpatuloy sa proyekto. Iginiit ng NCIP na ang CP ay nakabatay umano sa kasunduan ng mga lider ng tribung B’laan. Subalit ayon naman sa mga ulat ng ilang residente sa minahan, hayagan ang panunuhol ng kumpanya para mapapayag nito ang mga lider ng mga tribo. Ang pinaghihinalaan namang patuloy na kumukontra ay tinatakot at pinagbabantaan ng militar.
Kamakailan lang, ang TGCP ay isa sa tinukoy ng pamahalaan na pangunahing proyektong mina na muling bubuhayin sa ilalim ng Executive Order 130 ng rehimeng Duterte. Ayon mismo sa MGB, target na magpapatuloy ang operasyon at pagpapaunlad ng nasabing proyekto sa kasalukuyang taon. Layunin ng EO 130 na puspusang itulak ang pagmimina sa tabing ng “pagbangon ng ekonomya.”
Sa harap nito ay muling ipinamamalas ng mamamayan ng timog sentral Mindanao ang kasigasigang ipagtatanggol ang pambansang patrimonya, kalikasan, at buhay at kabuhayan ng karaniwang mamamayan.