Peke ang “local peace talks”—Ka Joma

,

“Peke” ang localized peace talks na ipatutupad ni Lacson kapag siya ang manalo sa darating na halalang pampresidente, ayon kay Prof. Jose Ma. Sison, Chief Political Consultant ng National Democratic Front of the Philippines. Ito ang tugon ni Ka Joma sa panibagong buladas ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, retiradong pulis at kandidato sa pagkapangulo, na “local peace talks” sa rebolusyonaryong kilusan.

Ani Ka Joma, hindi makapaglilinlang sa mamamayan ang huwad na kapayapaan ni Lacson.

Dati nang itinutulak ni Lacson ang localized peace talks bilang nakaupong tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security. Aktibo rin itong itinutulak ni Rodrigo Duterte at kanyang anak na tumatakbong pagkabise-presidente na si Sara Duterte-Carpio. Sa Davao City, kunwa’y ipinatutupad ito ni Duterte-Carpio sa pamamagitan ng pasista, maka-dayuhan at pahirap na mga “planong pangkaunlaran” tulad ng Peace 911 sa Paquibato District.

Ayon kay Prof. Sison, ang tinatawag na local peace talks ay ipaiilalim sa kontrol at sarbeylans ng militar at pulis ng reaksyunaryong gubyerno. Inihalintulad niya ang pagpapatupad nito sa Oplan Tokhang kung saan ang mga nasa listahan ng mga “surenderi” ay madali na lamang patayin anumang oras” dahil sa pamamagitan nito nakukubra ng mga upisyal ng militar at pulis ang mas matataas na pabuya.

Nauna nang ipinahayag ni Prof. Sison na doble ang kikbak ng militar at sundalo sa ganitong kaayusan. Ayon sa kanya, ang mga inilistang surrenderee ay maaari pang akusahan ng rehimen na bumalik sa rebolusyonaryong kilusan matapos gamitin ng militar sa kanilang mga operasyon laban sa kilusan.

Ayon kay Ka Joma, “ang sinasabing local peace talks ay may mahaban na ang kasaysayan kumpara sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga awtorisadong kinatawan ng GRP at NDFP sa pinakamataas na antas.”

Tinukoy niya na hanggang bago nagbukas ang pormal na usapan sa pagitan ng GRP at NDFP noong 1995 sa Belgium, ipinatutupad noon ng National Unification Commission sa pamumuno ng yumaong si Commissioner Haydee Yorac noong 1992.

“Lahat ng mga rehimen pagkatapos sa rehimen ni Ramos ay nagkunwaring nakikipagnegosasyon nang tatlo hanggang anim na buwan bago bibigay sa presure ng mga maka-gera sa US at mga papet nila sa DND at AFP,” aniya.

“Mas mahaba rin ang kasaysayan ng pagkabigo ng (localized peace talks) na linlangin ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan, taliwas sa pinalalabas ni Duterte at iba pang reaksyunaryong tulad niya,” dagdag ni Sison.

AB: Peke ang "local peace talks"—Ka Joma