Hustisya para kay Stephen Corilla Peligro sa pagawaan ng Universal Robina, inilantad

,

Naglunsad ng protesta at nagtirik ng kandila ang ilang mga manggagawa at kanilang tagasuporta sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) noong Sabado, Hunyo 11, para manawagan ng hustisya sa pagkamatay ni Stephen Corilla sa pabrika ng Universal Robina Corporation (URC) sa Tabok, Mandaue City, Cebu. Ang naturang protesta ay isinabay sa lingguhang protestang Black Saturday.

Namatay si Corilla habang naglilinis ng pulverizer machine sa loob ng pabrika ng URC noong Hunyo 2. Ayon sa mga manggagawa at ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), depektibo ang safety device ng pulverizer machine, kaya biglang umandar habang nasa loob at nililinis ito ni Corilla. Ayon pa sa mga ulat, bigla lamang inatasan si Corilla na gampanan ang paglilinis ng makina kahit wala siyang sapat na karanasan dito at dadalawang linggo pa lamang sa trabaho.

Walang naging kagyat na tugon ang kumpanya sa nangyari kay Corilla at bagkus nagtuluy-tuloy ang operasyon sa pagawaan matapos ang insidente. Hindi kaagad tumawag ang kumpanya sa pulis, barangay, o DOLE para mag-ulat. Dagdag pa, walang makabuluhang tulong na ibinigay ng URC sa kanyang pamilya sa dahilan na si Corilla ay agency-hired at hindi diumano manggagawa ng URC.

Nagpaabot ang mga manggagawa ng URC at Universal Robina Corporation Employees Union Farm Division (URCEU-FD) ng pakikiramay sa pamilya at naulila ni Corilla. Kinundena nila ang kapabayaan ng kumpanya sa pagkamatay ni Corilla.

Binigyang-diin ng unyon na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpabaya ang URC at ang mga Gokongwei sa mga manggagawa. Inilahad ng URCEU-FD na noong 2020 ay tinanggal sa mga babuyan sa Robina Farms sa Rizal at Bulacan ang 200 manggagawa habang noong 2021 ay naging laganap ang kontraktwalisasyon, iligal na tanggalan, at pagbuwag sa unyon sa Handyman-True Value-Robinson’s Builders.

Sa naging imbestigasyon ng DOLE Central Visayas sa kaso, pinatawan nito ang URC ng administratibong bayad-pinsala na ₱100,000 sang-ayon sa Occupational Safety Law. Pero ayon sa IOHSAD, hindi matutumbasan ng halagang ito ang buhay ni Corilla, at bagkus iginigiit ng grupo na ikriminalisa ang mga paglabag sa occupational safety and health standard.

Sa isang nagkakaisang pahayag ng mga organisasyon as paggawa, isinaad nilang “panahon na upang suriin at baguhin ang mga umiiral na batas na dapat sana’y para proteksyunan ang karapatan ng mga manggagawa.” Dahil sa kawalan ng ngipin ng batas, “malayang nakapagpapatuloy ng operasyon ang mga kapitalista kahit pa napakaraming kaso ng paglabag sa mga probisyon.”

Bago si Corilla, apat na manggagawa ang namatay matapos gumuho ang isang gusali sa Muralla Industrial Park sa Barangay Libtong, Meycauayan, Bulacan noong Mayo 31. Itinuturong dahilan ng pagguho ang overloading ng mga naka­imbak na parsela at pakete.

AB: Peligro sa pagawaan ng Universal Robina, inilantad