Petisyon para itaas ang sahod, inihain sa Central Visayas

,

Naghain ng petisyon kahapon, Marso 21, ang mga manggagawa sa ilalim ng Alyansa sa mga Mamumuong Kontraktwal sa Sugbo (Alsa Kontraktwal-Cebu) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board in Central Visayas (RTWPB-7) para itaas ang sahod sa rehiyon at suportahan ang pagsusulong ng pambansang minimum na sahod sa bansa.

Dagdag na ₱346 sa minimum na sahod ng mga manggagawang di-agrikultural (non-agriculture) samantalang dagdag na ₱356 sa mga mangggagawa sa agrikultura at mga establisimentong may mas mababa sa 10 empleyado sa mga eryang Class A ang hiling ng grupo.

Sa mga erya na Class B, dagdag na ₱384-₱389 ang hiling ng mga manggagawa. Samantala ₱394-₱399 naman sa mga eryang nakaklasipika sa Class C.

Saklaw ng Class A ang mga establisimyento sa mga syudad at munisipalidad ng pinalawak na Metro Cebu. Saklaw ng Class B ang mga establisyemnto sa Central Visayas na labas ng Class A at ang Class C ay mga munisipalidad na nasa labas nito.

Itataas ng dagdag-sahod ang kasalukuyang natatanggap ang mga manggagawa tungong ₱750 kada araw o ang ipinapanukalang pambasang minimum na sahod.

Ang huling dagdag sahod sa rehiyon ay iginagawad noon pang Enero 2020. “Pinagkaitan ang mga manggagawa ng dagdag-sahod lampas sa dalawang taon,” ayon sa Alsa Kontraktwal-Cebu.

Ayon sa grupo, nasa abereyds lamang na ₱400 na kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon. Lubhang bawas na ang tunay na halaga nito sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ngayon ng pagsipa ng presyo ng petrolyo.

Sa Metro Cebu, pumapalo na lamang sa ₱318.61 ang tunay na halaga ng arawang sahod ng mga manggagawa, ayon sa grupo. Labas dito, nasa ₱310.73 na lamang ang tunay na sahod.

Pinalubha pa ang busabos na kalagayan ng mga manggagawa ng paghambalos ng mga kalamidad at bagyo sa rehiyon tulad ng bagyong Odette, ayon pa sa grupo. Napakakupad at limitado ang ipinagkaloob na ayuda at tulong ng gubyerno sa rehiyon matapos ang bagyo.

“Nanginahanglan karon ang katawhang Pilipino og klaro nga lihok gikan sa gobyerno ug tinuoray nga solusyon sa mga nasinati nga mga krisis sa matag pamilya. Kon sinsero ang gobyerno nga sulbaron ang kalisod sa katawhan, dapat nilang dunggon ug lihokon ang atong mga panawagan,” ayon kay Lorenzo Gelberto, upisyal ng Alsa Kontraktwal-Cebu. (“Nangangailangan ngayon ang mamamayang Pilipino ng malinaw na tugon mula sa gubyerno at tunay na solusyon sa dinadanas na krisis ng bawat pamilya. Kung sinsero ang gubyerno na solusyunan ang paghihirap ng mamamayan, dapat nilang pakinggan at aksyunan ang ating mga panawagan.”)

AB: Petisyon para itaas ang sahod, inihain sa Central Visayas