Petisyon para sa taas-sahod, itinutulak na aksyunan

,

Itinutulak ng grupong Unity for Wage Increase Now! (UWIN) na kaagad aksyunan ang petisyon nito na isinumite noon pang Nobyembre 2019 para sa pagtataas ng sahod sa National Capital Region (NCR) tungong ₱750 kada araw. Hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng rehiyon sa kabila ng ilang ulit na paggigiit ng mga manggagawa na magsagawa na ng mga pagdinig kaugnay nito.

Idinadahilan umano ng ahensya na hindi maisakatuapran ang mga pagdinig dahil sa pandemya.

“Gutom na po ang manggagawa at masang Pilipino. Magmula nang i-file ang petition, ilang beses nang nagtaas ang presyo ng langis at iba pang bilihin. Lagpas dalawang taon na po tayo sa pandemya, krisis at kahirapan, pero tulug-tulugan ang Regional Wage Board sa ating hinaing,” ayon kay Charlie Arevalo, tagapagsalita ng UWIN at lider ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT.

Ayon sa Ibon Foundation, nananatiling nakapako sa ₱537 ang minimum na sahod sa NCR simula pa Nobyembre 2018 habang patuloy na sumisirit ang presyo ng mga batayang bilihin at pangangailangan. Sa kasalukuyan, umaabot na sa ₱1,072 kada araw o doble ng kasalukuyang minimum na sahod.

“Ang layunin ng mga manggagawa sa petisyon ay para makaagapay sa taas-presyo ng bilihin. Butas na ang bulsa at pigang-piga na ang minimum wage earners. Overdue ang wage increase, hindi lang sa NCR kundi sa lahat ng rehiyon,” dagdag ni Arevalo.

Ang grupong UWIN! ay binuo noong 2019 at kasalukuyang kinabibilangan ng 11 unyon ng manggagawang nakabase sa NCR at 5 organisasyon sa paggawa. Matagal na ring nagpabatid ng suporta ang siyam na pederasyon sa paggawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno sa petisyon ng UWIN.

AB: Petisyon para sa taas-sahod, itinutulak na aksyunan