Piket laban sa proyektong incinerator sa Davao, hinaras

,

Hinaras ng mga pulis ng Davao City ang protesta ng Panalipdan Youth, isang grupong maka-kalikasan, sa harap ng Sangguniang Panglunsod ngayong araw, Abril 20. Isinagawa ang protesta para tutulan ang panukalang proyekto ng syudad na Waste-To-Energy Incineration.

Sa bidyo na ipinost ng Himati sa social media, makikitang pilit na itinataboy ng nga pulis ang mga demonstrador na nakatayo sa harap ng gusali at may hawak na mga plakard. Maririnig ang paggigiit ng kabataan ang kanilang karapatan na ilunsad ang kanilang “silent protest.” Ang Himati ay upisyal na publikasyon ng University of the Philippines-Mindanao.

Tinututulan ng grupo ang planong itayong incinerator sa Barangay Biao Escuela, isang komunidad na agrikultural sa loob ng syudad. Ang incinerator ay isang aparato para sa pagsusunod ng basura sa matataas na temperatura hanggang ito ay maging abo.

Ayon sa grupo, magdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mga residente sa barangay ang naturang proyekto. Apektado rin nito ang kabuhayan ng mga impormal na manggagawa sa basura. Dala ng naturang mga grupo sa social media ang #NoToDavaoWTE at #GoforZeroWasteDavao.

“Direktang labag ito sa Clean Air Act, Renewable Energy Act, and Ecological Solid Waste Management Act at wala rin itong environmental compliance certificate,” anito. “Umiinit ang mundo dahil sa pandarambong sa kapaligiran sa tulak ng pagkahayok ng mga kumpanya. Obligasyon naming kumilos ngayon na!”

AB: Piket laban sa proyektong incinerator sa Davao, hinaras