Pilipinas, #1 mangungutang sa World Bank
Nangunguna ang Pilipinas sa pinakamalaking mangungutang sa World Bank nitong taon. Umabot na sa $3.07 bilyon o ₱153.5 bilyon ang inutang ng rehimeng Duterte mula sa institusyon sa ngalan ng paglaban sa pandemyang Covid-19. Halos doble ang itinaas nito mula sa $1.87 bilyon noong 2020. Sa kabuuan mayroon nang $6.21 bilyon na utang ang bansa sa World Bank. Kasunod sa Pilipinas ang India, Indonesia, Morocco, Mexico, Turkey, Colombia, Brazil, Argentina at China.
Sa taya na rin ng World Bank, tumaas nang 12% o $860 bilyon ang utang ng mahihirap na bansa noong 2020. Lampas-lampas na sa tantos ng produksyon at eksport ang tantos ng pangungutang sa mga bansang ito.
Nanawagan ang institusyon sa mga bansang ito na agad na bawasan ang pangungutang. Nagbabala itong daranas ang naturang mga bansa ng “debt shock” o hambalos sa ekonomya dulot dulot ng biglang pagtaas ng kailangan nilang bayaran. Nangangamba itong hindi mabayaran ng mga bansa ang kanilang inutang (kabilang ang Pilipinas) dahil sa dinaranas na krisis sa ekonomya at pandemya.