Pilipinas, ika-5 sa mga bansang pinakanakararanas ng kalamidad
Ang Pilipinas ang ika-5 sa mga bansang nakaranas ng pinakamapaminsalang mga natural na sakuna sa nakaraang mahigit 100 taon. Ito ay ayon sa isang pag-aaral ng Uswitch kaugnay sa epekto ng global warming sa mundo. Ang Uswitch ay isang komersyal na kumpanyang nagsasagawa ng mga pagkukumpara ng mga presyo ng mga produkto at serbisyo, Inilabas ang ulat noong Enero 12.
Sinaklaw ng pag-aaral ang 15,000 kalamidad mula 1902 hanggang 2021 at ipinagkumpara ayon sa 1) dami ng mamamayang naapektuhan, 2) bilang ng mga nasawi, 3) bilang ng mga sakuna at 4) halaga ng mga pinsala. Gamit ang mga kategoryang ito, pinakamataas ang naging epekto ng mga sakuna sa China, kasunod ang India, Bangladesh at US, bago ang Pilipinas, Indonesia, Iran at Pakistan. Nasa dulo sa 10 pinakaapektadong bansa ang Japan at Brazil.
Partikular sa Pilipinas, pinag-aralan ng Uswitch ang kabuuang 671 sakunang dumaan sa bansa sa nabanggit na panahon. Umabot sa 239 milyong mamamayan ang naapektuhan nito, kung saan 72,000 ang nasawi. Tinatayang umabot sa $43 bilyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng mga ito. Kabilang sa mga sakuna ang mga pagputok ng bulkan, lindol, bagyo at mga pagbaha. Marami sa mga sakunang bagyo at pagbaha ay idinulot na ng unti-unting pagtaas ng temperatura ng mundo na nagpataas sa tubig sa karagatan at nagbunga ng matitinding pagbabago sa mga padron ng pag-ulan at dami ng pag-ulan.