Pilipinas, magiging katulad din sa Myanmar?

,

Hindi malayong sasapitin ng ating bansa ang kalagayang nararanasan ngayon ng bansang Myanmar kung hayaang mangingibabaw ang kapangyarihan ng militar sa kapangyarihan ng sibilyan sa pamamalakad ng ating bansa.

Ito ang komentaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pinakahuling pahayag ni Vice President Leni Robredo na lubusang baligtad sa nauna niyang deklarasyong buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Pagkatapos ito ng “security briefing” sa kanya noong Nobyembre 26 ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Yumuko sa tiraniya?

“Sa piling ng maka-US na pasistang mga heneral, nagmukhang yumuko sa pasistang tiraniya ng AFP at mga diktang militar ng US ang kandidato sa pagkapangulo ng Liberal Party na si Robredo,” ani ng chief information officer ng PKP na si Marco Valbuena. Idineklara ni Robredo ang kanyang suporta sa NTF-ELCAC at tinawag ang Barangay Development Program (BDP) bilang “pinakamahusay na bahagi sa lahat.”

Mistulang tinanggap na ni Robredo “ang maling pagsusuri sa ugat ng armadong tunggalian na inilalatag ng militar para bigyang katwiran ang bilyun-bilyong pisong pondong ipinasakamay ng mga korap na upisyal militar.”

Nilinaw ng PKP na “hindi ang kakulangan ng mga kalsada, paaralan o klinik ang nagpapahirap sa malawak na mayorya ng mamamayan sa kanayunan; bagkus ay ang kawalan ng lupang mabubungkal, mababang sahod sa mga sakahan, mataas na presyo ng abono, mababang presyo ng produktong agrikultural, liberalisadong pag-import at pagpupuslit ng mga produktong agrikultural.”

Pork barrel ng mga heneral

Hindi totoong sabihin ni Robredo na pinakamahusay na bahagi sa lahat ng programa ng NTF-ELCAC ang BDP dahil ito ang bersyon ng “pagtatayo ng imprastruktura” ng mga heneral “na simbolo ng korapsyon ng tiranikong rehimeng Duterte.” Sa katunayan, ito ay “pork barrel ng mga heneral” upang palakasin ang impluwensya at kapangyarihan ng AFP. “Kapalit ng kanilang suporta, nagkakamal ng malawak na kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya ang kapwa retirado at aktibong mga heneral,” sabi ng PKP.

“Sa pagbibigay ng kanyang buong suporta sa NTF-ELCAC, lumilitaw na binabalewala ni Robredo ang laganap na mga paglabag sa karapatang-tao na kaakibat ng BDP at ng kontra-insurhensya ng AFP.”

Dahil sa paglalaway ng mga kumander ng militar sa mga baryo ang ₱20 milyon pondo sa bawat barangay, inuutusan nila ang kanilang mga tauhan na dumaluhong sa mga baryo (sa tabing ng ‘serbisyo sa komunidad’), bakuran ang mga komunidad at pigilan ang mga galaw ng mamamayan sa pamamagitan ng taktikang hamletting, panggigipit sa mga sibilyan at pagpaslang sa mga aktibista at lider ng magsasaka, upang pwersahin silang ‘sumurender’ bilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan “nang walang pagtatangi sa pagitan ng kombatant at sibilyan at labag sa kanilang ligal na mga karapatan, at walang paghaharap ng kaso sa korte.”

Sibilyang burukrasya, bihag ng mga dikta ng militar?

Nagpaalala ang PKP kay Robredo na dapat mapanuri niyang tanungin ang kanyang sarili: Totoo bang seryoso ang gubyernong Duterte na tugunan ang sosyo-ekonomikong mga ugat ng gerang sibil? Ang kanyang pagpihit ng pananaw ay pahiwatig na ang mga heneral na ang nagdidikta ng mga patakaran sa pamamalakad ng gubyerno sa ating bansa?

Sa pamamagitan ng NTF-ELCAC, ang AFP ang nagiging tagapagtukoy ng mga prayoridad at programa ng buong burukrasya. Kung hindi masusugpo ang lumalaking kapangyarihan ng militar, hindi magiging kataka-taka kung sa ilang taon ay matutulad ang Pilipinas sa Myanmar. At kung mananalo si Robredo sa eleksyong 2022, hahantong siya sa pagiging Aung San Suu Kyi, ang nahalal na lider ng Myanmar na bihag ng mga dikta ng militar. #

AB: Pilipinas, magiging katulad din sa Myanmar?