Pinakamabagal sa ASEAN ang pagbangon ng ekonomya ng Pilipinas
Nananatiling lugmok ang ekonomya ng Pilipinas at mabagal ang pagbangon ng bansa. Sa pinakahuling taya ng Asian Development Bank na inilabas noong Enero 20, sa limang bansa sa Southeast Asia, pinakamalaki ang agwat sa pagitan ng paglago ng ekonomya sa Pilipinas sa ilalim ng pandemya kumpara sa abereyds na paglago nito bago ang pandemya.
Sa kalkulasyon ng institusyon, mas mababa nang 16.1% ang magiging output level ng Pilipinas at 16.4% na mas maliit ang magiging gross domestic product nito sa 2021 kumpara sa antas na inabot nito bago ang pandemya. Bagamat mababagal rin ang paglago ng karatig nitong mga bansa, mas makitid na ang agwat ng dati at kasalukuyang tantos ng paglago ng mga ito. Ang agwat ng paglago ng Indonesia bago at sa ilalim ng pandemya ay nasa 9.1%, ang Malaysia 11.3%, Singapore, 8.9% at ang Thailand, 11.4%.
Tinukoy ng ADB, kasama ang Moody’s Analytics, na salik sa mabagal na pagbangon ang pagpalo ng bilang ng mga kaso ng impeksyon na dulot ng baryant ng Omicron at ang mga risgo nito sa dati nang mahinang sistemang pangkalusugan ng bansa.
Bagamat apektado ang lahat ng mga bansa sa Asia ng naturang baryant, isa ang Pilipinas sa dumaranas ng pinakamatatarik na paglaki ng bilang ng mga nahawa. Liban sa mahinang sistemang pangkalusugan, pinakamabagal ang tantos ng pagbabakuna sa basa.
Ayon sa ADB, nasa 6.4% kada taon ang paglago ng gross domestic product (GDP) ng bansa mula 2009 hanggang 2019. Matapos ang pagbagsak ng GDP nito nang 9.5% noong 2020, tinatayang lalago lamang nang 5.1% sa 2021 at 6% sa 2022 ang ekonomya ng Pilipinas.
Gayunpaman, kahit bago pa magpandemya, pababa na ang tantos ng paglago ng gross domestic product ng bansa sa nakaraang anim na taon. Mula sa 7.1% noong 2016, nasa 6.9 percent ito sa 2017; 6.3 sa 2018; at 6.1% sa 2019. Pagpalo ng pandemya, bumagsak nang 9.6% ang paglago ng bansa, pinakamatarik sa South East Asia.