“Pinoys for Hire” pinagtibay sa bagong ahensya
January 01, 2022
Natupad ang balak ni Rodrigo Duterte na magbuo ng hiwalay na departamento para sa mga migranteng manggagawang Pilipino matapos niyang pirmahan kahapon ang Republic Act 11641. Binubuo nito ang Department of Migrant Workers (DMW) kung saan titipunin sa isang bubong ang pitong ahensya ng gubyerno na nangangasiwa sa pag-eeksport ng mga overseas Filipino workers (OFW).
Pinaspasan ng mga alyado ni Duterte sa Kongreso at Senado ang pag-apruba sa mga panukalang batas ayon sa makailang ulit niyang utos na madaliin ito bilang pagtupad sa “pangako” niya bago pa maging presidente noong 2016.
Para sa Migrante International, organisasyong nagtataguyod sa kapakanan ng mga OFW at kanilang mga kapamilya, lalo lamang pinagtitibay ng naturang batas ang deka-dekada nang patakaran ng gubyerno ng Pilipinas na mag-eksport ng mga manggagawa. Noong dekada 1970, lalupang sumirit ang maramihang pangingibang-bansa ng mga Pilipino nang isabatas ng diktadurang Marcos ang 1974 Labor Code of the Philippines na nagrekrut ng mga manggagawang ipadadala sa ibayong dagat.
Mula sa 36,035 na naitala noong 1975, mahigit 10 milyon na ngayon ang mga migranteng Pilipino, ayon sa datos ng reaksyunaryong gubyerno. Halos 30% itong mas malaki sa bilang ng mga OFW noong 2019.
Sa nagdaang mga dekada, sumandig ang ekonomya ng Pilipinas sa remitans o perang ipinapasok ng mga OFW, na katumbas na ng 12% ng Gross Domestic Product ng bansa. Noong 2019, bago tumama ang pandemya ay ₱1.56 trilyon ang naitalang kabuuang remitans ng mga OFW. Ang kwentadang ito ay yaong dumaan lamang sa mga bangko at remittance center. Higit na mas malaki ang halagang ito kung kukuwentahin ang perang personal na iniuuwi o ipinakikisuyo ng mga OFW.
Nauna nang tinutulan ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang pagbuo ng DMW. “Tila sinasabi natin sa buong daigdig na isang pangmatagalang programa ang labor export policy ng ating bansa,” sabi niya sa isang pahayag matapos ipasa ng Senado ang bersyon nito ng batas noong Disyembre 14. Dagdag pa ng mambabatas, hindi solusyon ang DMW sa problema ng kawalan ng trabaho sa loob ng bansa.
Sa komento ng Migrante International noong Disyembre 30, sinabi ng grupo na patitindihin lamang ng bagong-buong departamento ang sapilitang pagkulekta sa kanila ng mga bayarin. Gayundin, ang ipantutustos umano sa operasyon ng bubuuing DMW ay dapat na ilaan na lamang sa serbisyong ligal at pangkagalingan ng mga OFW.
Sa kasagsagan ng pagtutulak ng Malakanyang sa panukala noong Pebrero, sinabi ng Department of Budget and Management na mangangailangan ng minimum na ₱1.2 bilyon para sa operasyon nito. Hindi pa kasama dito ang gastusin para sa mga programa, aktibidad at proyekto ng bagong departamento. Humihingi ang Malakanyang na maglaan ng ₱15 bilyon bilang panimulang pondo ng DMW.
Samantala, daing ng mga migranteng kabilang sa libu-libong nasisante sa Saudi Arabia noong 2018, hindi pa natatanggap ng 8,000 OFW ang ipinangako ng Overseas Workers Welfare Administration na aabonohan ang sweldong hindi ibinigay ng mga kumpanyang Saudi.
Nang itulak ni Duterte ang plano noong 2016, bahagi nito ang pagtatayo ng nag-iisang sistema ng pagbabangko na tanging dadaluyan ng mga remitans ng OFW. Kung ibabatay sa rekord ng presidente, malaking posibilidad na kundi man ibigay ang kontrata sa paboritong oligarko, ay sa kanyang tau-tauhang negosyo. Nangangamba rin ang marami na ang ipuwesto sa pamunuan ng DMW ay isa muling retiradong heneral
AB: “Pinoys for Hire” pinagtibay sa bagong ahensya