PIRMA NA LANG ANG KULANG
“Pinaunlad” na Visiting Forces Agreement, lalong magsisilbi sa US
Inanunsyo kahapon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang muling pagsuspinde ni Rodrigo Duterte sa proseso ng pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) hanggang sa katapusan ng taon. Dalawang beses nang isinuspinde ang pagbabasura, una noong Hunyo 2020 at pangalawa noong Nobyembre ng parehong taon. Kahit noon, walang intensyon si Duterte na ibasura ito. Sa ngayon, nagkukunwari lamang siyang “pinag-iisipan” ang “pinaunlad” na bersyon para pumiga ng dagdag na mga konsesyon.
Tapos na ang mga negosasyon at naipasa na ito sa upisina ng presidente, ayon sa ambasador ng Pilipinas sa US na si Jose Manuel Romualdez noong unang linggo ng Hunyo. Ayon sa mga balita, hindi saklaw ng renegosasyon ang mga pagsasanay militar at iba pang aktibidad ng US sa loob ng bansa. (Dati na itong nagsisilbi pangunahin sa US.) Sa halip, sumentro ito sa paggamit ng US sa Pilipinas bilang “balanse laban sa China.” Sa gayon, hindi lamang mananatili ang tagibang nitong mga probisyon, palalakasin at pasasaklawin nito ang paggamit ng US sa bansa bilang “pansalag” sa mga atake ng China.
Isa sa mga itinulak ng militar ng US, partikular ng Indo-Pacific Command, ang pag-istasyon ng mga ground-based missile at mga tropang Amerikano na mamamahala rito sa tinagurian nitong “first island chain.” Ang hakbang na ito ang itinuturing na una at krusyal na “linya ng depensa” para salagin ang posibleng mga atake ng China sa “mainland US.” Alinsunod ito sa $20-bilyong plano na tinaguriang Pacific Deterrence Initiative na inaprubahan na ng Kongreso ng US. Tugon ito ng US sa estratehiya ng China na itaboy ang mga pwersa at barkong Amerikano sa iligal nitong inaangking karagatan at mga teritoryo sa South China Sea.
Saklaw ng “first island chain” ang Kurl Island na teritoryo ng Russia, Japan, Taiwan, mga isla sa hilagang bahagi ng Pilpinas (Batanes hanggang Palawan at lahat ng teritoryong karagatan, isla, bahura at iba pang pormasyon sa West Philippine Sea), Borneo hanggang mga isla sa hilagang bahagi ng Malay Peninsula.
Sa gayon, kasuklam-suklam ang pagtatapang-tapangan ni Duterte sa kanyang pagpupumilit na “magbayad” ang US sa anyo ng armas at ayudang militar kapalit ng lupang teritoryo at seguridad ng mga Pilipino. Sa aktwal, nasa interes ng US na pondohan, armasan at sanayin ang Armed Forces of the Phlilippines sa balangkas ng “interoperability” nito sa mga pwersang Amerikano. Sa usaping “VFA for vaccine” o bakuna kapalit ng VFA, niloloko lamang ni Duterte ang mga Pilipino dahil kusang ipamimigay ng US ang sobra nitong mga bakuna sa balangkas ng vaccine diplomacy.