PKP-NCMR, nagpasalamat sa masa sa kanilang walang-sawang pagsuporta
Sa okasyon ng ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, ipinaabot ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa North Central Mindanao Region (NCMR) ang mataas na pagsaludo sa lahat ng inaapi at pinagsasamantahang masa sa rehiyon na “nagsisilbing bukal ng sigla at katatagan ng buong rebolusyonaryong pwersa.”
Sa pahayag ng paggunita sa anibersaryo na inilabas ng komite noong Enero 5, sinabi nitong masaya ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na palaging makasalamuha at makasama ang masang kanilang pinaglilingkuran laluna kung maririnig nila mula sa masa ang mga katagang: “matagal na namin kayong hinihintay.”
“Maraming salamat sa inyong walang-sawang pagsuporta at pagsagawa ng mga inisyatiba upang ipagpatuloy at paigtingin ang demokratikong rebolusyong bayan,” dagdag ng komite.
Ipinaabot ng PKP-NCMR ang pasasalamat sa pagtatapos ng 2021 kung saan humarap sa matinding kontra-insurhensyang atake ang armadong kilusan sa rehiyon. Naging mahirap man ang landas, lalong napanday ang mga rebolusyonaryong pwersa sa buhay at kamatayang pakikibaka. Anito, gagawin ng Partido sa rehiyon na tuntungan ang mga aral sa nagdaang taon upang sumulong sa mas mataas na antas ng digmang bayan.
Kahit pa pinopokusan ng atake ng militar at pulis, nakapaglunsad pa rin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-NCMR ng 55 aksyong opensiba laban sa reaksyunaryong armadong pwersa noong 2021. Sa mga labanang ito, 70 elemento ng kaaway ang napatay at 50 ang nasugatan. Kabilang rin sa tinarget ng hukbong bayan ang mga multinasyunal na plantasyon na sumisira sa kapaligiran at nang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka’t katutubo.
Pinagpugayan ng Komiteng Rehiyon ang mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB sa pagsuong nila sa sakripisyo para ipagpatuloy at paigtingin ang armadong paglaban. Pinalalawak ng hukbong bayan ang saklaw ng mga baryong naaabot at pinalalalim ang ugnay sa mga ito upang lumawak ang maniobrahan at mabigo ang mga atake ng kaaway.
Sa pangkalahatan, napanatili at napatibay ng mga yunit ng BHB sa rehiyon ang kanilang lakas. Malaking tulong sa pagkamit nito ang tuluy-tuloy na pagtatasa at paglalagom sa mga gawain. Napanatili rin ang karamihan sa mga larangang gerilyang saklaw ng BHB.
Isa ang NCMR sa mga prayoridad ng gubyernong Duterte sa kontra-insurhensyang gera nito. Naitala sa nakalipas na limang taon sa rehiyon ang pinakamaraming insidente ng pambobomba mula sa ere, panganganyon at istraping ng mga helikopter. Gayunman, bigo itong gapiin ang BHB sa rehiyon. Sinabi ng Komiteng Rehiyon na inaral at ginawan ito ng hakbang ng mga rebolusyonaryo upang makaiwas sa pinsala.
Sa gitna ng pinatinding gera, mapangahas na nakipaggitgitan ang BHB sa pagpukaw, pag-organisa at pagpakilos sa masang magsasaka at napanatiling mahigpit ang ugnay sa kanila. “Kahit pa nasa kaaway ang abanteng sandata at mga bomba, nasa BHB naman ang umaapaw na suporta ng mamamayan,” dagdag ng komite.
Para sa 2022, muling nagtagubilin ang Komiteng Rehiyon na dapat ay matalas at wastong ilapat ang rebolusyonaryong teorya sa pagkilos. “Dapat seryoso nating pag-aralan ang lahat ng karanasan at paunlarin ito sa pamamagitan ng mas mataas na antas ng rebolusyonaryong praktika,” dagdag pa ng pahayag.
Sa kagyat, dapat umanong paghandaan ang kakaharaping mga sakripisyo dahil inaasahan na sa darating na mga buwan ay ibubuhos ng gubyernong Duterte ang “huling tulak” para sa hangal na target na durugin ang rebolusyonaryong kilusan. Hiningi ng Komiteng Rehiyon sa lahat ng kadre at myembro ng Partido, sa BHB at mga aktibistang masa na iangat ang diwang mapanlaban at determinasyon upang biguin ang atake ng kaaway.