PKP: solusyon sa lumulubhang pandemya, patalsikin si Duterte
Tanggalin sa pwesto si Duterte. Ito ang matapang na panukala ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Setyembre 7 kung nais umano ng taumbayan na makaalpas sa pandemya. Ayon sa PKP, ang usapin ng pampublikong kalusugan ay isang usaping pampulitika. Sa harap ng lumulubhang krisis pangkalusugan sa bansa at nagpapatuloy na kabiguan ng gubyerno na epektibong tugunan ito, ang pagpapatalsik kay Rodrigo Duterte ang mabisang paraan tungo rito.
Kahapon, Setyembre 9, muling pumalo sa pinakamataas na bilang na mahigit 22,800 ang kaso ng Covid-19. Pero ayon sa PKP, malamang na dalawa o tatlong beses pang mas malaki kesa dito ang aktwal na bilang dahil sa labis na kakulangan ng testing at contact tracing. Lalo pa umanong lolobo ang bilang ng mga kaso dahil sa paglaganap ng mas nakahahawang Delta baryant, at dahil rin sa nagpapatuloy na kabiguan ng gubyernong Duterte na epektibong tugunan ang krisis.
Ayon pa sa PKP, makikita sa panukalang badyet ng 2022 ang kawalang interes ni Duterte na mahusay na tugunan ang pandemya. Kinaltasan ang badyet ng Department of Health (DOH), Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at UP-Philippine General Hospital (PGH). Ang RITM ang pangunahing pampublikong institusyon na nakatuon sa pagsaliksik sa mga tipo ng sakit at gamot. Sa kabuuan, binawasan nang 73% ang badyet ng DOH. Aabot naman sa P170 milyon ang kinaltas sa RITM at P1.3 bilyon naman sa UP-PGH. Wala ring inilaan para sa benepisyo ng mga healthworker.
Sa kabila nito, tatanggap ng P28.1 bilyon ang National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa programang kontrainsurhensya nito, mas mataas nang 75% kumpara sa nagdaang taon. Naglaan rin si Duterte ng P8.6 bilyon para sa “intel and confidential funds” ng sariling upisina. Hindi kailangang iulat sa taumbayan ang pinagkagastusan ng mga pondong ito.
Bago pa man nag-urong-sulong ang gubyernong Duterte sa pagpatupad ng mga “granular lockdown,” sinabi na ng PKP na mabibigo ito dahil lubhang kulang ang testing at contact tracing. Epektibo lamang umano ang mga lokalisadong lockdown kung sa umpisa pa lang ng pandemya at pailan-ilan at hindi pa malawakan ang impeksyon. Sa huli, dahil sa pagsirit ng mga kaso at wala pa ring mga hakbangin para sa pampublikong kalusugan, ibinalik din ng rehimen ang wala ring bisang mga pangkalahatang lockdown ilang oras bago ang naunang anunsyo ng pagpapatupad ng mga “granular lockdown.”
Tinukoy din ng PKP ang “kahindik-hindik” na pag-abuso ni Duterte ng kapangyarihan, pati ng kanyang malalapit na tauhan, sa paglaan ng bilyong pisong pondo ng gubyerno para ipambili ng sobrang mamahal na mga suplay pangmedikal mula sa pinaburang kumpanyang Chinese. Anang PKP, sabik ang mamamayan na malaman kung paano kumita ang mga upisyal ng gubyerno mula sa pampublikong pondo habang nagdusa ang bayan sa kawalan ng mga hakbangin para sa pampublikong kalusugan, mahal na pagpapagamot, kawalang trabaho, kita at subsidyong pang-ekonomya, at tumitinding kahirapan at gutom.