Presyo ng palay, bumagsak tungong ₱10 kada kilo
Naiulat ng mga grupong magsasaka noong Setyembre 18 na sumadsad sa ₱10 ang bili ng kada kilo ng palay sa mga magsasaka ng Occidental Mindoro. Bumagsak din tungong ₱12-₱14.50 kada kilo ang presyo ng palay sa Nueva Ecija, Isabela, Camarines Sur at Ilocos Norte.
Ayon sa grupong Bantay Bigas, ang bagsak na farm gate price ay naaayon sa dikta ng malalaking komersyante na nakikinabang sa liberalisadong pamilihan ng bigas. Bigo ang Department of Agriculture na rendahan ang mga ito.
Dagdag ng grupo, sa pamamagitan ng Rice Liberalization Law, umabot nang P165 bilyon ang lugi ng mga magsasaka ng palay mula 2019 hanggang 2020 dulot pangunahin ng hatid nitong pagbaha ng mas murang bigas.
Dulot nang pagbagsak ng kita, marami sa mga magsasaka ang napilitang magbenta o magsanla ng lupa. Malayong-malayo ang bili ng mga palay sa presyo ng bigas sa pamilihan na nasa P35-P44 kada kilo.
Panawagan ng grupo, bilhin ang palay sa mga magsasaka sa presyong P20 kada kilo bilang pansuporta sa lokal na produksyon.