Presyo ng petrolyo tumaas na naman, rollback noong nakaraang linggo walang silbi
Consuelo-de-bobo ang rollback sa presyo ng petrolyo noong nakaraang linggo, Hulyo 27, matapos muling tumaas ang presyo nito ngayong Martes, Agosto 3. Isang linggo lamang ipinadama ang kakarampot na bawas-presyo sa petrolyo sa mga konsyumer.
Tumaas ang presyo ng gasolina nang P1.05/litro samantalang ang kerosene at diesel ay P0.75/litro at P0.80/litro. Mas malaki ang dagdag-presyo kumpara sa ibinaba nito sa nakaraan na P0.75/litro sa gasolina, P0.60/litro sa parehong diesel at kerosene.
Sa tala, bago ang maiksing rollback noong Hulyo 27, siyam na linggong sunod-sunod ang dagdag-presyo sa gasolina na aabot sa hanggang P5.25 kada litro.
Sa diesel, 14 ang sunud-sunod na taas-presyo na umabot ng P6.25. Samantalang pitong magkakasunod na linggo namang puro taas din ang presyo ng kerosene na umabot sa lagpas P3 kada litro.
Hindi rin nakaligtas ang presyo ng LPG sa dagdag-presyo. Inianunsyo ng mga kumpanyang nagbebenta ng LPG ang dagdag-presyong aabot sa P3.27-3.55/kilo sa LPG samantalang P1.85-1.87 sa Auto LPG na nagsimula sa pagpasok ng buwan ng Agosto.
Doble-dagok sa karaniwang mamamayan ang pagsirit ng presyo ng gasolina at LPG ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. Daragdag umano ito sa bigat ng pasanin sa harap ng ipapataw na enhanced community quarantine sa Agosto 6.
“Imoral at kasuklam-suklam na krimen ang pagkamkam ng tubo ng dambuhalang mga kumpanya at kainutilan ng rehimeng Duterte,” dagdag ni Valbuena.