Prime minister ng Sri Lanka, napatalsik

,

Napilitang magbitiw sa pwesto ang punong ministro ng Sri Lanka na si Mahinda Rajapaksa noong Mayo 9, matapos ang mahigit isang buwan ng sustenidong mga kilos protesta ng mamamayang Sri Lankan. Nagsimula noong Marso at umarangkada ang kilusang pagpapatalsik noong Abril. Naging sentro ng protesta ang Galle Park kung saan itinayo ang isang kampuhang tinawag na “Gota Go Gama” (Umuwi ka na Gota) laban sa kapatid ni Mahinda na si Gotabaya “Gota” Rajapkasa, ang tumatayong presidente ng bansa. Tumangging magbitiw si Gota kung kaya’t nagpapatuloy hanggang ngayon ang mga protesta. Karamihan sa mga lumahok sa kampuhan ay kabataan.

Pumutok ang mga protesta dulot pangunahin sa palpak na tugon ng gubyernong Rajapaska sa krisis sa ekonomya na ibinusod ng dambuhalang utang na di na mabayaran. Sinuspinde ng estado ang pagbabayad sa $7 bilyong utang na nakatakdang bayaran ngayong taon. Sa kabuuan, umaabot sa $51 bilyon ang utang ng estado – kalakhan mula sa China – na sumaid sa reserbang dolyar nito. Dahil dito, wala itong pambayag sa imported na langis, pagkain, gatas at gamot na kinakailangan ng bansa. Resulta nito ang matitinding kasalatan, mahahabang pila para sa batayang pagkain at kerosene (ginagamit pangluto) at langis ng pampublikong mga sasakyan na dinaranas ng mga Sri Lankan. Sumirit tungong 21.5% ang implasyon at inaasahang hindi ito bababa hanggang sa susunod na taon. (May mga ekonomistang nagsasabing nasa 132% ang tunay na tantos ng implasyon.) Umaabot sa 8 hanggong 10 oras na walang kuryente kada araw.

Isinisisi ng mga Rajapaksa ang krisis sa pandemya at gera sa Ukraine, na parehong nagpasirit sa presyo ng pagkain at krudong langis. Sa kabilang banda, inaakusahan ng mamamayan ang pamilyang Rajapaksa at kanilang mga ministro ng korapsyon, pagpataw ng mapaminsalang mga patakaran sa ekonomya, paggamit sa pandemyang Covid-19 para imilitarisa ang bansa, pagpasok sa mga kwestyunableng kontrata para sa mga bakuna at pagpapalaganap ng di syentipikong solusyon sa pandemya.

Bago tuluyang bumitaw, pinaigting ni Rajapaksa ang panunupil sa mga lumalaban sa kanyang paghahari. Ipinataw niya ang curfew at iniutos ang pagbubuwag sa kampuhang Gota Go Gama kung saan 200 ang nasugatan. Nag-organisa ang kanyang partido ng mga pagkilos ng kanyang mga tagasuporta na umatake sa mapayapang mga rali ng Gota Go Gama. Bilang ganti, sinunog ng mga grupong anti-Rajapaksa ang mga bahay ng mahigit 50 ministro at iba pang pulitiko ng nanghaharing partido.

Sa araw na nagbitiw ni Rajapaksa, pinalibutan at ilang beses na hinagisan ng mga raliyista ng molotov ang kanyang compound. Kinailangan siyang sunduin ng helikopter ng militar para makatalilis papunta sa ibang bansa.

Ipinalit ng parlamento kay Rajapaksa si Ranil Wickremesinghe, myembro ng karibal na partido pero kilalang malapit sa mga Rajapaksa. Una sa kanyang adyenda ang paghingi ng tulong sa International Monetary Fund at World Bank para ipagpaliban ang pagbabayad ng utang (debt restructuring), muling pagtataas ng mga buwis para sa makalikom ang estado ng dagdag na rebenyu (na gagamitin para ipambayad ng utang) at higit pang paghihigpit ng sinturon ng mamamayan.

AB: Prime minister ng Sri Lanka, napatalsik