Protesta kontra-gera, inilunsad sa harap ng US embassy
Nagprotesta noong Mayo 21 malapit sa embahada ng US ang mga manggagawa at kabataan laban sa mga imperyalistang gera. Kinundena rin nila ang napipintong papasok na rehimeng Marcos na inaasahan nilang magiging sunud-sunuran sa imperyalistang US.
Marahas na binuwag ng mga pulis ng Maynila ang pagkilos. Inaresto si Lloyd Manango, bise-presidente ng League of Filipino Students at myembro ng pahayagang Manila Collegian ng University of the Philippines-Manila. Kasamang inaresto si Kathy Yamzon ng grupong Defend Jobs Philippines. Sa tulong ng abugadong mula sa National Union of People’s Lawyers, nakalaya rin ang dalawa matapos ang limang oras na pagbimbin.
Isinagawa ang protesta kasabay ng paglulunsad ng Internasyual na Kampanya Kontra-gera ng International League of People’s Struggle. Layunin ng kampanya na ilantad at labanan ang panunulsol ng gera ng US, mga alyado nito at ng komersyal na midya. Anito, ang malawakang disimpormasyon na pinalalaganap ng mga ito na pabor sa militarismo sa pandaigdigang saklaw ay pumipinsala sa pakikibaka ng mamamayan para sa karapatang magpasya-sa-sarili laban sa gera, okupasyon at iba pang porma ng panghihimasok.
“Kinikilala namin na ang mga imperyalistang digma na ipinapataw sa mundo kung saan pinagsasamantalahan ang mga magsasaka at manggagawa ay pinakinanabangan ng mga lokal na oligarkong naghahari sa pamamagitan ng pasismo,” ayon sa pahayag ng grupo noong Mayo 20. Inihalimbawa nito ang inter-imperyalistang ribalan ng US-NATO at ng Russia na ngayon ay nagdudulot ng kahindik-hindik na karahasan at pagdurusa sa mamamayan ng Ukraine na dati nang naghihirap sa ilalim ng gubyernong nagpalakas sa mga armadong pasistang grupo.
“Mas marami pang digmang katulad nito ang sisiklab habang bumabaling ang imperyalismong US sa militarismo at gerang pandaigdigan para tiyakin ang tubo at pahupain ang mga epekto ng kasalukuyang krisis sa ekonomya,” anito. “Ang kalagayang ito ay di na bago para sa mapagpalayang kilusan sa Pilipinas,” dagdag ng grupo.
“Ang hegemonya ng US sa Southeast Asia ay nakaangkla sa alyansa sa pagitan ng Republic of the Philippines (RP) at ng US— ang pinakamatagal at mahalaga para sa pagkamal nito ng tubo sa rehiyon ng Asia.” Isa sa pinakaunang nagbigay ng mensahe sa papasok na rehimeng Marcos II ay ang presidente ng US na si Joseph Biden.
Itinaon rin ang pagkilos sa mga upisyal na pagbisita ni Biden sa mga bansa sa Asia mula Mayo 20 hanggang 24. Lumapag si Biden sa South Korea at Japan at lumahok sa Quadrilateral Security Dialogue (QUAD), isang alyansa sa pagitan ng US, Japan, Australia and India.