Protesta laban sa 2020 Tokyo Olympics
Daan-daang indibidwal ang nagtipon noong Biyernes sa labas ng National Stadium sa Tokyo, Japan para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pagdaraos ng 2020 Tokyo Olympics sa Japan sa gitna ng patuloy na pananalasa ng pandemya. Anila, malaking pagwawaldas ito ng pondo at na mas maiging gamitin na lang ang perang ito para tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayang Japanese sa harap ng nagpapatuloy na pandemya. Isinabay ang pagkilos sa Opening Ceremony ng palakasan na nilalahukan ng mahigit 11,000 atleta mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ayon sa inisyal na taya ng komite na nangangasiwa sa palakasan, aabot sa $7.3 bilyon ang magagastos para rito. Pero ayon sa mismong taya ng National Audit Board ng Japan noong Disyembre 2019 bago pumutok ang pandemya, aabot ito sa $22 bilyon. Wala pang pinal na datos kaugnay nito.
Ang malaking bahagi ng badyet ng para sa Olympics ay kadalasang kinakarga ng bansang pagdarausan nito, habang ang maliit na bahagi ay pinaghahatian ng mga pribadog komite at organisasyon. Sa kaso ng 2020 Tokyo Olympics, $5.6 bilyon lamang ang nakatakdang sasagutin ng pribadong sektor at malaking bahagi ay popondohan gamit ang pera ng mamamayang Japanese. Kadalasang batbat ng korapsyon at kapalpakan ang mga Olympics na idinaos sa nakalipas.
Ilang araw bago nito, una nang ipinamalas ng mga Japanese ang kanilang pagtutol sa Olympics sa isang pambansang sarbey kung saan 78% ng populasyon ang nagpahayag ng kanilang pagtutol. Anila, tila kabalintunaan na patuloy na ipinasasara ang mga lokal na negosyo sa bansa dulot ng pandemya, subalit naglulunsad naman ang gubyerno ng isang napakalaking internasyunal na pagtitipon.
Ipinagbawal ng komite sa Olympics ang pagdalo ng mga Japanese sa ngalan ng restrikyson sa Covid-19 subalit hindi ito nasunod at marami pa rin ang pumunta para manood nang personal.