Pumatay sa lider-maralita, pinarusahan ng BHB
Ang kriminal na mamamatay-tao sa likod ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa isang pambansang lider maralita ay pinarusahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ayon sa ulat noong Oktubre 2 ng Larab, rebolusyonaryong pahayagan sa Eastern Visayas, isinagawa ng mga pwersa BHB ang hakbang pamamarusa laban kay Jojo “Pekulo” Lucero noong Hunyo 25 sa Ormoc City, Leyte.
Si Lucero ay nahatulang may-sala ng hukumang bayan sa Leyte matapos mapatunayan na isa siya sa pumatay kay Carlito Badion, dating pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, noong Mayo 28, 2020 sa Barangay Riverside, Ormoc City.
Sa isinagawang imbestigasyon sa kaso, napatunayang nasa ilalim ng proteksyon ng pulis si Lucero. Ayon sa nakalap na impormasyon, “sumuko” siya sa lokal na yunit ng Philippine National Police (PNP) matapos paslangin si Badion. Hindi siya sinampahan ng anumamng kaso. Sa halip, pinauwi siya at binigyan ng pabuya at grocery.
Maaalalang pinalalabas ng PNP na ang BHB ang nasa likod ng pagpaslang kay Badion.
Dagdag pa ng yunit ng BHB, kilalang kriminal na tauhan ng PNP si Lucero. Dati na siyang may mga kaso ng pagnanakaw. Marami ulit na siyang pina-blotter pero hindi siya inaaresto ng mga pulis.