Puu-puong libong manggagawa, nagprotesta sa South Korea

,

Tinatayang 80,000 manggagawa mula sa mga sektor ng edukasyon, gubyerno, serbisyo, manupaktura, konstruksyon, transportasyon at iba pang linya ng trabaho ang lumahok sa pambansang protesta ng mga manggagawa sa South Korea sa pamumuno ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU) noong Oktubre 20. Bukod sa mga nagmartsa sa lansangan, kalahating milyon ang nag-walk-out sa kanilang trabaho sa araw na iyon.

Pinakamalaki ang konsentrasyon ng demonstrasyon sa Seoul kung saan 27,000 ang nagmartsa sa mga lansangan. Inilunsad din ang mga pagtitipon sa 13 iba pang syudad ng bansa. Mahigpit na ipinatupad ng mga lider at mga manggagawa ang mga protokol pangkalusugan.

Ilandaang pulis ang nagtangkang pigilan ang mapayapang protesta ng mga manggagawa. Naglagay rin ng mga barikada para hindi sila makalusot at makapagprotesta. Makailang ulit rin na nagbanta ang estado ng South Korea na kakasuhan ang mga magpoprotesta.

Iginigiit ng KCTU ang 15 limang kahingian na mahahati sa tatlong pangunahing panawagan: a) pagtatapos sa “di regular na pagtrabaho” kabilang ang part-time, panandalian o de-kontratang trabaho at pagkakaloob sa lahat ng manggagawa ng karampatang proteksyon; b) pagbibigay sa mga manggagawa ng kapangyarihan sa pagdedesisyon sa usaping ekonomya sa panahon ng krisis; at c) pagsasabansa sa mga susing industriya at pagsosyalisa sa mga batayang serbisyo tulad ng edukasyon at pabahay.

Ipinanawagan din ng grupo ang kagyat na pagpapalaya sa lider at pinuno ng KCTU na si Yang Kyung-soo na inaresto ng gubyerno ng South Korea noong Setyembre sa “paglabag sa panuntunan kaugnay ng Covid-19” sa isang protesta noong Hulyo. Nireyd ng ilandaang pulis ang upisina ng KCTU madaling araw ng Setyembre 2 at inaresto si Yang.

Ikatlo ang bansang South Korea sa listahan ng mga bansang may pinakamataas na oras ng paggawa sa isang buong taon ng bawat manggagawa. Noong 2015, pangatlo rin ito sa mga bansang kasapi ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) sa may pinakamaraming kaso ng pagkamatay sa mga pagawaan. Umaabot sa 40% ng lahat ng manggagawa ng bansa ay sinasabing “di regular na manggagawa”.

Sa inilabas na 2021 Global Rights Index ng International Trade Union Confederation (ITUC), pinakamalapad na pederasyon ng mga unyon sa buong mundo, binigyan nito ng gradong singko (5 o bagsak) ang South Korea na nangangahulugang “walang garantiya sa karapatan ng mga manggagawa.” (Gradong singko rin ang ibinigay nito sa Pilipinas.)

Nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Kilusang Mayo Uno sa KCTU sa inilunsad nitong welga at mga protesta. “Kinukundena namin ang nagpapatuloy na atake sa karapatang-tao at karapatan sa paggawa ng mga kapwa namin manggagawa sa South Korea,” ayon sa pahayag ng KMU.

AB: Puu-puong libong manggagawa, nagprotesta sa South Korea