Pwersahang pagbabakuna sa mga tsekpoynt ng militar, ipatutupad sa BARMM
Hanggang sa usapin ng pagbabakuna, militarisado pa rin ang tugon ng mga upisyal ng reaksyunaryong estado. Sa Bangsamoro Region of Autonomous Muslim Mindanao, pinakikilos ng mga upisyal ng rehiyon ang mga pulis at sundalo para harangin ang mga di bakunado sa mga tsekpoynt at “kumbinsihin” sila na magpabakuna.
Pinuri pa ni Basahry Latip, pinuno ng Bangsamoro Government Health Ministry, isang ahensya sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority, ang “tulong” ng militar at pulis sa “mabilis na pagpapataas sa bilang ng mga bakunado” sa rehiyon.
Ito ay dahil hinaharang ng mga ito sa mga tsekpoynt ang mga di bakunado para “kumbinsihin” sila na magpabakuna. Mula Pebrero 18, balak pang palakasin ng ministro ang kalakarang ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga “vaccination centers” sa tabi ng mga tsekpoynt.
Pinakamababa ang tantos ng pagbabakuna sa BARMM sa buong Pilipinas. Nitong Pebrero, 1.4 milyong residente ng rehiyon ang naturukan o 30% pa lamang sa target na populasyon bago makamit ang “herd immunity.” Ayon mismo sa lokal na ahensya sa kalusugan, ito ay dulot ng pagdadalawang-isip ng maraming Moro kaugnay sa bisa at pangangailangan sa mga bakuna.
Laganap sa rehiyon ang disimpormasyon hindi lamang sa bakuna kundi tungkol sa Covid-19 at pandemya. Dahilan din ng malawak na pagdududa ang mga kunsiderasyong pang-kultura, at pagtanggi ng mga nakatatanda na mula’t sapul ay hindi nakatamasa ng serbisyong pangkalusugan. Isang malaking salik din ang layo ng mga bakunahan at kawalang kakayahan ng ahensya na abutin ang malalayong komunidad sa bulubunduking mga erya sa rehiyon.
Sa halip na resolbahin ang mga usaping ito, laluna ang salik ng kawalang akses ng malaking bilang ng mga Moro, pamumwersa ang tugon ng BTA.
Walang batas na nagmamandato sa pagbabakuna sa bansa pero sa aktwal, marami ang pwersado dahil sa mga restriksyong ipinataw ng estado at malalaking negosyo sa mga di bakunado. Rekisito ang mga vaccination card para makapasok sa mga gusali ng komersyo at maging sa mga upisinang pampubliko. Kailangan din ito para libreng makakilos at bumyahe saanmang gusto ng mamamayan.