“Rehabilitasyon” sa Cagayan River, pantabing sa malawakang pagmimina ng black sand
Paulit-ulit na napabubulaanan ang panloloko ng rehimeng Duterte kaugnay sa proyektong “dredging” (paghuhukay) na para diumano sa rehabilitasyon ng Cagayan River. Idinadahilan noon ng rehimen na kailangan hukayin ang ilog para iwasan ang matinding pagbaha.
Matagal nang tinututulan ng mga residente ng apektadong mga barangay ang “dredging” dahil batid nilang pantabing lamang ito sa mapangwasak na pagmimina ng black magnetite sa kahabaan ng ilog. Ang magnetite ay pangunahing sangkap na ginagamit sa paggawa ng asero.
Pinakahuli sa nagpahayag ng pagtutol ang lokal na gubyerno at parokya ng simbahang Katoliko sa Aparri. Sa isang dayalogo na inilunsad noong Oktubre 31 na tinaguriang Salakniban Cagayan, nagkaisa ang mga mangingisda, taong simbahan at lokal na mga upisyal na ipatigil ang dalawang operasyon ng Cagayan River Rehabilitation Project sa lugar. Ang naturang proyekto ay itinutulak ng gubernador ng Cagayan na si Manuel Mamba.
Noon pang Pebrero sinimulan ng panlalawigang gubyerno ang operasyon sa Cagayan River para umano “pigilan ang pagbara” nito. Naiulat noong Hulyo na unang dumaong sa Aparri ang isang dredging mother vessel (dambuhalang barko na ginagamit sa pag-eeksport ng naminang magnetite na may kapasidad na magkarga ng 60,000 metriko-tonelada).
Iniratsada ang pagpirma ng dalawang kontrata para sa “rehabilitasyon at restorasyon” ng Cagayan River noong Disyembre 2020. Ito ay matapos manalasa ang bagyong Ulysses na nagdulot ng matinding pagbaha sa prubinsya. Ang mga operasyon sa Aparri ay iginawad sa mga kumpanyang Great River North Consortium, na pinamumunuan ng meyor ng Sto. Tomas, Isabela na si Mayor Antonio Talaue; at Riverfront Construction Inc., na pagmamay-ari ng negosyanteng si Feng Li.
Nakasaad sa permit na pinahihintuluan ang mga kumpanya na minahin ang mga mineral na rekurso sa 30.8 kilometro erya na itinalaga nito bilang River Dredging Zone. Ang pagmimina sa Cagayan na ang pinakamalaking konsesyon sa offshore mining (pagmimina lampas sa baybayin) sa buong bansa. Tinatayang matatagpuan dito ang aabot sa 632 milyong metriko-toneladang black sand. Lahat ng makukuhang mineral dito ay direktang ipadadala sa China.
Una nang inilantad ng 76 organisasyong makakalikasan ang naturang proyekto noong Enero. Anila, mapangwasak ang pagmimina ng magnetite sa sistemang pang-ekolohiya o buhay ng dagat. Sisirain nito ang protektadong mga rekursong dagat tulad ng mga coral reef at halamang dagat na krusyal na pagkain ng naglalaho nang mga hayop tulad ng dugong at balyena. Magtatambak ito ng maruming kemikal mula sa mga operasyon ng pagpoproseso na gagawin sa malalaking barkong magsasagawa ng paghuhukay.
Papatayin nito hindi lamang ang mga halamang dagat at ang mga isdang nabubuhay dito, kundi pati na rin ang kabuhayan ng 11,000 mangingisdang nakaasa rito. Sa nakalipas na mga buwan, nag-ulat ang ilang mga mangingisda ng pagkawasak ng kanilang mga lambat at paghina ng huli dulot ng dredging. Nang kumprontahin nila ang mga opereytor ng mga barko na ginagamit sa paghuhukay, napansin nila na hindi sila nagsasalita ng English o Pilipino.
Ayon sa Kalikasan, nagreresulta ang malawakang ang dredging sa pag-istorbo sa ekosistema ng mga ilog at dagat, at sa maksimum ay unti-unting pagkamatay o pagkaubos ng mga isda sa lugar.
Noon pang 2010 nagsimula ang eksplorasyon ng iba’t ibang mga kumpanya sa ilog at dagat ng prubinsya. Pero matagal na nabimbin ang planong magsagawa ng malawakang pagmimina dulot ng mariing pagtutol ng mga residente at grupong makakalikasan at ng mga hakbanging pagparusa ng Bagong Hukbong Bayan.