Rehimeng Modi sa India, natulak na ibasura ang kontra-magsasakang mga batas
Matapos ang isang taon ng dambuhala at sustenidong mga protesta sa India, natulak ng mga magsasaka si Indian Prime Minister Narendra Modi na ianunsyo noong Biyernes ang kanyang planong ibasura ang tatlong neoliberal na batas sa pagsasaka na kanyang ipinatupad noong Setyembre 2020. Ang tatlong batas na ito—ang amyenda sa Essential Commodities Ordinance, Farming Produce Trade and Commerce Ordinance, at Farmers Agreement on Price Assurance and Farm Services Ordinance—ay ipinatupad para itulak ang todong deregularisasyon sa agrikultura sa India.
Binaklas ng naturang mga batas ang kapangyarihan ng sentral na gubyerno na magtakda ng minimum na presyo sa pagbili sa ani ng mga magsasaka. Sa partikular, sinistematisa ng mga batas ang direktang pagbebenta ng mga magsasaka ng kanilang produkto sa mga komersyante at kumpanya; ang pagpasok ng mga magsasaka sa mga kontrata sa pagsasaka kung saan itinatakda ang presyo ng mga komersyante; at pagbawas sa kapangyarihan ng gubyerno na pangasiwaan ang pagdaloy ng suplay ng batayang mga produktong pagkain. Ikinabahala ng mga magsasaka na lalupang ibabagsak ng mga ito ang presyo ng kanilang mga produkto, at gagawin silang bulnerable sa kumpetisyon sa malalaking negosyo.
Nagbunyi ang puo-puong libong magsasakang halos isang taon nang nagkakampo sa mga lansangan patungo sa New Delhi, sentro ng India. Umalingawngaw ang mga sigaw na “Mabuhay ang mga magsasaka!” at “Mabuhay ang kilusang magsasaka!” Namahagi sila ng mga jalebi (minatamis na harina) bilang pagdiriwang. Ayon sa mga raliyista, hindi pa rin sila aalis sa lansangan at magpapatuloy ang mga protesta hanggang ganap nang ibasura ng parlyamento ang mga batas. Ipinanawagan din nila na pakinggan ng rehimen ang iba pa nilang panawagan kabilang na ang pagpapatupad ng mga programa para isulong ang kapakanan ng mga manggagawa sa kanayunan.
Nagsimula ang dambuhalang mga protesta ng milyun-milyong magsasaka noong Setyembre 2020 para tutulan ang mga reporma. Nasustine nila ang dambuhalang mga pagkilos hanggang sa kasalukuyan. Rumurok ang mga protesta noong Nobyembre 26, 2020 na nilahukan ng 250 milyong magsasaka, manggagawa at kanilang mga alyado mula sa kabataan, kababaihan at iba pang sektor. Pinakahuli sa dambuhalang mga pagkilos ay nilahukan ng mahigit 500,000 magsasaka sa estado ng Uttar Pradesh noong Setyembre 5.
Sumiklab ang mga protesta sa harap ng ilan taon nang paghihirap ng mga magsasaka dulot ng pambabarat sa kanilang mga produkto, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at pagbagsak ng ani dulot ng malawakang tagtuyot, na pinalubha pa ng krisis ng pandemyang Covid-19. Maraming magsasaka ang nalugi at nabaon sa utang, dahilan kung bakit tumaas ang kaso ng pagtitiwakal sa mga magsasakang Indian sa nakalipas na mga taon.
Inianunsyo ni Modi ang planong pagbasura sa mga batas isang taon bago ang eleksyon sa Uttar Pradesh, ang estadong may pinakamalaking populasyon sa India, at dalawa pang estado sa hilagang bahagi ng India na may malalaking populasyon sa kanayunan.