Robredo, pinili ng 1Sambayan bilang kandidato sa pagkapangulo
Isang araw bago magsimula ang buong linggong pagsusumite ng mga papeles bilang kandidator sa eleksyong 2022, pinili ng koalisyong 1Sambayan bilang kandidato pagkapresidente ang kasalukuyang bise presidente na si Leni Robredo. Inanunsyo ito sa midya ni Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, isa sa mga convenor o tagapulong ng 1Sambayan, noong Setyembre 30.
Wala pang desisyon si Robredo kung tatakbo siya sa pagkapangulo at sinabing nagsisikap pa siang pagkaisahin ang oposisyon. Sa kanyang pahayag, pinasalamatan niya ang 1Sambayan sa pagtiwala sa kanya at hiningi niya ang suporta ng mamamayang Pilipino para makapagdesisyon siya ng tama para sa kagalingan ng bansa.
Ayon kay Carpio ang desisyon ng 1Sambayan ay nakabatay sa mga sukatan tulad ng integridad, kakayahan, track record, patriyotismo, pananaw para sa bayan at ang posibilidad na mananalo. Nanguna si Robredo sa botohang isinagawa ng mga convenor ng 1Sambayan. Sa kabila ng mga pagkakaiba sa palagay sa panlipunan, pampulitika at relihiyon sa hanay ng mga kasapi ng 1Sambayan, nagkaisa silang dapat iisa lamang ang kandidato para sa presidente upang kalabanin ang sinumang magiging kandidato ng rehimeng Duterte.
Usapin ng kaligtasan
Ilang linggo pa bago nito, tinukoy ng dating mambabatas at pinuno ng Bayan Muna na si Neri Colmenares na si Duterte at ang pinatalsik na diktador Marcos ay halos magkapareho. At kung gayon, isyu ng “survival” o kaligtasan ang darating na eleksyong dahil naghahangad si Duterte na manatili sa poder sa pagtakbo bilang bise-presidente. May alok din si Bongbong Marcos na maging bise-presidente ni Sara Duterte o tumakbo sa pagkapresidente sa ilalim ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL).
Sa isang porum noong Setyembre 11 na inorganisa ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) kaugnay sa pagbalik-tanaw sa mga brutalidad sa panahon ng diktadurang Marcos, sinabi ni Colmenaras na kinakailangang tapusin na ang dinastiya at tiraniya ni Duterte at ganundin, ng mga Marcos. Kinakailangang magkaisa ang hanay ng oposisyon at todo-todong magkampanya para biguin ang imbing pakana ng mga Duterte at ng mga Marcos na manatili sa poder sa anumang paraang posible.
Sa pananaw ni Teddy Casino, unang nominado ng Bayan Muna sa Kongreso, maaaring ang darating na halalan ang pinakaseryosong laban ng Bayan Muna sa loob ng dalawang dekadang paglahok nito sa parlamento ng protesta. Nakasalang sa darating na halalan hindi lamang ang puwang ng mga kinatawan ng mga progresibong partido sa Kongreso, kundi ang pakitid nang pakitid na puwang para sa pagkilos ng mga demokratiko at patriyotikong mga pwersa sa harap ng papatinding panggigipit sa ilalim ni Duterte. #