Sa Araw ni Bonifacio, sigaw ng manggagawa: Kabuhayan, Karapatan, Kalayaan!

,

Nagtipon kahapon ang 5,000 myembro ng iba’t ibang demokratikong organisasyon sa Welcome Rotunda sa hangganan ng Quezon City at Maynila para gunitain ang ika-158 taon ng kapanganakan ng bayaning si Andres Bonifacio. Ipinanawagan nila ang “Kabuhayan, Karapatan at Kalayaan”. Binatikos nila ang rehimeng Duterte sa kahirapan at mga panggigipit na dinaranas ng iba’t ibang sektor sa kasalukuyan.

Balak nilang magmartsa tungong Mendiola pero hinarang sila ng mga pulis bago pa sila makarating ng kanto ng Blumentritt Ave. Bago nito, nagkaroon din ng programa sa harap ng University of Sto. Tomas sa Maynila.

Kasabay ng pagdiriwang sa kabayanihan ni Bonifacio, sinaluduhan ng mga raliyista ang kabayanihan ng ordinaryong mamamayan na nagtatanggol sa kanilang mga karapatan at kagalingan.

Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), nanawagan silang ipamahagi na ang hinihinging ₱10,000 ayuda para sa bawat pamilya, ₱15,000 ayuda sa mga magsasaka at pagbibigay ng nakabubuhay na sahod. Anila, halos wala nang makain ang mga Pilipino dahil sa baba ng sahod, habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis, pagkain at iba pang bilihin at serbisyo.

“Matagal nang nagugutom ang sambayanan! Ang panawagan ng mga Pilipino ay lupang sakahan, nakabubuhay na sahod at disenteng kabuhayan subalit pasismo ang laging sagot ng estado,” ani Jerome Adonis ng KMU.

“Tulad ni Bonifacio, pinagpupugayan namin ngayon ang lahat ng manggagawa, magsasaka, maralita na araw-araw nagbabanat ng buto,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno.

Gayunpaman, hindi dapat dinadakila ang kahirapan ng masang anakpawis, ayon sa grupong Karapatan. “Ang pagsisikap ng ating manggagawa para magkaroon ng pagkain ang kanilang mga pamilya, palutangin ang ekonomya, ay pinupuri ng gubyerno sa pamamagitan ng patsi-patsi at mabababaw na hakbang at pahayag,” ayon pa sa grupo. “Hindi tunay na nakikinig at tumutugon ang gubyerno sa kanilang mga pangangailangan at hinaing.”

Panawagan nila na dinggin ng mga kumakandidato sa eleksyong 2022 ang mga hinaing ng masang anakpawis at tumindig kasama nila. “Naririnig namin kada eleksyon ang mga pangako sa pagbabago,” ayon sa grupo, “at ngayon, mas malala, naririnig namin ang mga pangako ng pagpapatuloy ng parehong mga kontra-mamamayang patakaran.” Pinatutunayan nito na ang tunay na pagbabago para basagin ang pang-aapi ay magmumula lamang sa kolektibong aksyon ng mamamayan, dagdag pa nito.

Kinundena rin ng mga raliyista ang pagwawaldas ng rehimeng Duterte at alipures nito sa AFP at NTF-Elcac sa pondo ng mamamayan. Patunay dito ang nabunyag kamakailan na pagbili ng labis-labis sa halagang mga facemask at faceshield sa Pharmally at bilyun-bilyong pisong ayuda na hindi naipamahagi ng Starpay.

“Sawang-sawa na ang mamamayang Pilipino sa kriminal na kapabayaan at pasismo ni Duterte. Sawang-sawa na kami sa paglalaro ng pamilyang Duterte at Marcos sa pulitika,” pahayag ni Cathy Estavillo ng Amihan, grupo ng kababaihang magsasaka.

Tinuligsa ng mga grupo ang tambalang Marcos-Duterte sa eleksyong 2022 at nagpahayag na titindi lamang ang mga paglabag sa karapatang-tao at darami pa kung maka-uupo sa poder ang rehimeng Marcos-Duterte.

Samantala nanguna naman ang AMA Sugbo-KMU sa protesta ng iba’t ibang sektor sa Cebu. Anila, sa diwa ni Bonifacio nararapat lamang na ipagtanggol ng sambayanan ang kanilang kabuhayan, karapatan at kalayaan na mahigit limang taon nang nasasapanganib sa ilalim ng tiraniya ni Duterte.

Nagkaroon din ng pagkilos sa Davao City kung saan kinundena ng Bayan-Southern Mindanao ang nagpapatuloy na red-tagging at mapaniil na patakaran ni Duterte laban sa mamamayang lumalaban.

Sa Baguio City, mahigit 100 aktibista ang nagmartsa sa Session Road upang gunitain ang kaarawan ni Bonifacio. Mayroon ding rali sa San Fernando, Pampanga. Naglunsad din ng katulad na programa sa Bacolod City sa Negros, sa Capiz, Iloilo City at Aklan sa isla ng Panay

Bilang pagwawakas sa pagkilos sa Maynila, sama-samang winasak ng mga lider ng iba’t ibang sektor ang “Duterte Demonyoment” bilang simbolo ng pagtutol sa tangkang panunumbalk ng mga Duterte at Marcos sa Malacañang.

AB: Sa Araw ni Bonifacio, sigaw ng manggagawa: Kabuhayan, Karapatan, Kalayaan!