Sa gitna ng karahasan ng Israel: Araw ng mga Bilanggong Palestino, ginunita
Ginunita noong Abril 17 sa iba’t ibang bahagi ng Palestine ang taunang Araw ng mga Bilanggong Palestino upang iprotesta sa iligal at di makatarungan detensyon ng 4,450 Palestino at ipanawagan sa Israel na kagyat silang palayain. Isinagawa ang mga pagkilos sa gitna ng panibagong pag-arangkada ng mga atake ng Israel sa mga Palestino sa Jerusalem at sa kanilang mga banal na lugar tulad ng Al-Aqsa Mosque, at sa kabuuan ng Palestine.
Mula Abril 2 hanggang Abril 20, umaabot sa 19 Palestino ang pinatay ng mga armadong pwersa ng Israel. Inatake ng mga ito ang moske sa Al-Aqsa mismo sa panahon ng Ramadan.
Mula sa kanilang mga kulungan, kinundena ng mga bilanggo ang karahasan ng Israel laban sa mga Palestino . Kasabay nito, nagpasalamat sila sa lahat ng mamamayan at grupong sumusuporta sa kanilang pakikibaka. Sa isang pahayag na inilathala ng Samidoun Palestinian Prisoner Solidarity Network noong Abril 18, nanawagan ang mga detenido na palawakin at palakasin pa ang komprehensibong kilusang boykot laban sa okupasyon ng Israel sa mga lupang Palestino.
Nanawagan rin sila para sa pagpapalawak ng mga kampanya laban sa mga kumpanyang Israeli at Amerikano na nagmamanupaktura ng armas tulad ng Elbit, na nagsusuplay ng nakamamatay na armas sa gubyerno ng Israel. Ang Elbit at mga kumpanya ng armas ang sangkot sa brutal na agresyon laban sa mamamayang Palestino, laluna sa Gaza, na itinuturing na pinakamalaking “kulungan” sa buong mundo. Katambal sila ng Israel sa patakaran nito ng pamamaslang at okupasyon. (Ang Elbit rin ang isa sa nagsusuplay ng mga drone na ginagamit sa kontra-insurhensya sa Pilipinas.)
Nananawagan din ang grupo ng mga detenido na kumprontahin ang mga kilusang Zionist at mga institusyon nito sa ibayong dagat, at ang organisadong kampanyang rasista na inilulunsad ng Israel at tumatarget sa mga tagasuporta ng mamamayan at paglabang Palestino sa buong mundo.
“Ang aming pakikibaka para lumaya ay nananatiling integral na bahagi ng internasyunal na pakikibaka laban sa mga pwersa ng kolonyalismo, imperyalismo, Zionismo at reaksyon,” ayon sa grupo ng mga bilanggo. “Tiyak na darating ang aming paglaya bilang mga bilanggo kasabay ng paglaya ng lahat ng aming mamamayan.” Tiwala silang magtatagumpay ang mamamayang Palestino na lampas 100 taon nang lumalaban sa kolonyalismo at 74 taon nang nakikibaka sa para sa paglaya at pagbabalik sa kanilang mga lupa.
Ang Abril 17 ay idineklara ring Internasyunal Day of Support for Palestinian Prisoners ng mga grupong sumusuporta sa pakikibakang Palestino sa buong mundo. Nagkaroon ng mga pagkilos sa US, Canada, Germany at France.
Ayon sa Samiduon, hindi limitado sa mga bilanggong Palestino ang panggigipit ng Israel. “Tinutugis ang kanilang mga pamilya. Ipinagkakait sa kanila ang kabuhayan na bumubuhay sa kanilang mga anak,” ayon sa grupo. Kasabay nito ay pinalalabas din silang mga demonyo at terorista.