Sa kada bilyunaryo, isang milyon ang nasasadlak sa labis na kahirapan
Isang bagong bilyunaryo kada 30 oras (o kabuuang 536 indibidwal) ang lumitaw sa panahon ng pandemya o mula noong 2020. Ang impormasyong ito ay tinukoy ng Oxfam International, isang pandaigdigang katipunan ng 21 grupong mapagkawanggawa, sa ulat nitong “Pagpiga ng tubo sa Pagdurusa.”
Habang may ilandaang bagong bilyunaryo, aabot naman sa 250 milyong katao ang naglugmok sa labis na kahirapan, at tumindi ang di pagkakapantay-pantay sa mundo, at biglaang pagsirit ng presyo ng mga pagkain sa gitna ng gera sa Ukraine.
Sa ulat ng Oxfam, natuklasan nitong:
1) ang itinaas na yaman ng mga bilyunaryo sa nakaraang 24 na buwan ay katumbas sa yaman na nalikom nila sa nakaraang 23 taon
2) lumaki ang yaman ng mga bilyunaryo sa sektor ng pagkain at enerhiya ng isang bilyong dolyar kada dalawang araw. Kasabay nito ang pagsirit ng presyo ng pagkain at enerhiya. Lumikha ang kalagayang ito ng 62 bilyunaryo mula sa sektor ng pagkain.
3) Ang kumbinasyon ng pandemya, pagtindi ng di pagkakapantay-pantay at mataas na presyo ng mga pagkain ay magtutulak sa 263 milyong katao sa labis na karalitaan sa 2022. Katumbas ito ng isang milyon katao kada 33 oras.
4) Kasabay ng pagbagsak ng kabuhayan ng isang milyon ang paglitaw ng isang bilyunaryo kada 30 oras sa panahon ng pandemya
Sa gayon, sa kada isang bilyunaryo na nalikha sa panahon ng pandemya, isang milyon katao ang natutulak sa labis na kahirapan.
Ayon sa institusyon, ang kalagayang ito ay higit na nagpalala sa dati nang di pagkakapantay-pantay sa usapin ng yaman, kita, gender, race (lahi), usapin ng pangkalusugan, sa loob ng mga bansa at sa pagitan ng mga bansa.
Ilan sa pinakatumubo mula sa pagdurusa ng mamamayan ang mga kumpanya sa pagkain na Cargill, Walmart, limang pinakamalaking kumpanya sa langis (IBP, Shell, Total Energies, Exxon, Chevron), mga kumpanyang parmasyutikang Moderna, Pfizer at mga kumpanya sa teknolohiya (Amazon, Apple, Microsoft, Tesla Alphabet.)
Panawagan ng Oxfam ang pagpataw ng buwis sa pinakamayayamang indibidwal (wealth tax). Sa partikular, panawagan ng grupo na patawan nang hanggang 90% ang “sobrang tubo” (excess profit) sa lahat ng mga industriya. Babawasan nito ang sobra-sobrang pagpiga ng tubo mula sa hirap na kalagayan ng mamamayan. Noong 2020, taya ng Oxfam na ang buwis sa 32 kumpanyang nagkamal ng pinakamalaking tubo ay pwedeng umabot sa $104 bilyon. Sa kalaunan, pwede permanenteng buwisan ang pinakamayayaman ng 2% hanggang 5%, depende sa laki ng kanilang yaman.