Sa wakas, Parlade, nagbitiw bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC
Ikinalugod ng maraming sektor, kabilang ang ilang senador, ang balitang tinanggal na bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict si Antonio Parlade. Noon pang Abril pinatatanggal ng mga senador si Parlade sa task force dahil sa iregularidad ng kanyang pagkakatalaga. Kasabay nito, inutusan si Parlade at kapwa niyang tagapagsalita na si Lorraine Badoy na tumahimik laluna sa isyu ng community pantry at ng nagpasimuno rito na si AP Non na pareho nilang tinawag na komunista at inihalintulad ni Parlade kay Satanas.
Disgustado si Parlade sa kanyang pagkakatanggal. Noon pang Mayo siya naghapag ng pagbibitiw pero nitong Hunyo 30 lamang inianunsyo sa publiko na tinanggap ang kanyang resignasyon. Naghihimutok siya sa naggiit na tanggalin siya dahil sa kanyang anti-demokratikong mga opinyon. Iginigiit niya na tama lamang at hindi labag sa batas ang pagkakatalaga niya sa isang sibilyang pusisyon habang siya ay isang aktibong myembro ng armadong hukbo.
Kasabay ng pagtanggal sa kanya sa ahensya, pinalitan na rin siya bilang kumander ng South Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines dulot ng kanyang napipintong pagreretiro sa Hulyo 26. Bagamat itinaas ang kanyang ranggo tungong Lt. General noong Pebrero 2020, hindi na siya umangat sa pwesto mula sa pagiging hepe ng SolCom. Hindi na niya naabot ang pagiging hepe ng Philippine Army, at lalong di na niya maabot ang pinangarap niyang pusisyon bilang hepe ng buong AFP.
Nahaharap si Parlade, kasama ng iba pang tagapagsalita at myembro ng NTF-ELCAC sa di bababa sa anim na kasong graft, grave misconduct, serious dishonesty, oppression at iba pa sa Office of the Ombudsman. Ang mga kaso ay inihapag laban sa walang pakundangang pambabanta at pangrered-tag na ginawa niya at ng NTF-ELCAC.
Noong Hulyo 2020, sinampahan siya ng kasong graft at korapsyon sa Office of the Ombudsman dulot ng pagkakalat niya ng maitim na propaganda at paggamit sa pwesto para mamulitika. Tinukoy dito ang pagkakalat ni Parlade ng propaganda laban sa partidong Bayan Muna at koalisyong Makabayan sa eleksyong 2019 noong hepe pa siya Civil Military Operations ng AFP. Isinampa ang reklamo ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.