Samahan ng mamamahayag sa Asia-Pacific, itinatag
Binuo noong Mayo 31 ng mga grupo ng mamamahayag sa rehiyong Asia-Pacific ang isang pederasyon na magtataguyod ng laban para sa kalayaan sa pamamahayag, pagpapalakas ng ekpresyon sa mga platapormang digital at paglaban sa panggigipit sa midya sa rehiyon.
Itinatag ang Federation of Asia-Pacific Journalists (FAPaJ) ng mga organisasyong kasapi ng pandaigdigang organisasyong International Federation of Journalists (IFJ). Layunin nitong buklurin ang mga mamamahayag sa Asia-Pacific para patampukin ang iba’t ibang isyu ng mga mamamahayag sa rehiyon.
Nahalal bilang unang pangulo ng pederasyon si Sabina Inderjit, kasalukuyang pangkalahatang kalihim ng India Journalists Union (IJU) at bise presidente ng IFJ. Samantala, naluklok si Salem Al Jahwari bilang bise presidente ng FAPaJ. Nahalal naman sa komiteng tagapagpaganap ng pederasyon ang Pilipinong mamamahayag na si Jonathan de Santos, tagapangulo ng National Union of Journalists of the Philippines.
“Umaasa kami na ang bagong pederasyon ay makatutulong sa pagpapaunlad ng umiiral na mga kooperasyon sa mga unyon sa Southeast Asia at sa ibayong pagkakaisa ng mga unyon at organisasyong pangmidya sa buong Asia-Pacific para sa kalayaan sa pamamahayag at mas maunlad na kalagayan sa paggawa ng mga mamamahayag,” ayon kay de Santos sa isang panayam sa Kodao Productions.
Ayon naman kay Sabina, masaya siya at nabuo na ang pederasyon na matagal nang inaasam ng mga mamamahayag.
Pinagkaisahan ng pederasyon ang iba’t ibang mga resolusyon kabilang na ang pagkundena sa tumitinding pag-atake sa midya sa mga bansa sa rehiyon kabilang ang Afghanistan, Nepal, India, Myanmar at Hong Kong, at nanawagan ng pinaigting na pag-uulat sa mga pag-aresto at paglilitis sa mga mamamahayag at iba pang paglabag sa kalayaan sa pamamahayag.
Ang FAPaJ ang ika-apat na panrehiyong grupo ng IFJ. Ang iba pa ay ang European Federation of Journalists (EFJ), Federation of African Journalists (FAJ) at ang Federación de Periodistas de América Latina y el Caribe (FEPALC).
Isinagawa ang pagtatatag ng pederasyon kasabay ng ika-31 Pandaigdigang Kongreso ng IFJ sa Muscat, Oman mula Mayo 31 hanggang Hunyo 3. Dinaluhan ito ng 250 kalahok na kumakatawan sa mga unyon at asosasyon ng mga mamamahayag mula sa 92 bansa. Naghalal din ang naturang kongreso ng bagong mga upisyal ng komiteng tagapagpaganap ng IFJ.