Samahan sa Gubat tutol sa pagbabawal sa paghuli ng crablet
Mariing tinutulan ng Cota na Daco Crablet Workers Association (COTAW) ang Fisheries Administrative Order No. 264-2020 na nagbabawal sa sinumang manghuhuli ng alimango at kanilang mga asosasyon, kooperatiba, o korporasyon na manghuli, mag-ari, maglipat o magpadala at magbenta ng mga mangrove crablet na mas maliit sa 12 sentimetro.
Ayon sa COTAW, hindi nararapat at pabigat sa kanila ang pagbabawal na ito sa bayan ng Gubat dahil hindi lumalaki ng husto ang mga alimango sa kanilang lugar. Katwiran nila, hindi mauubos ang mga alimango dahil sila mismo ang nag-aalaga, bumibili at naglalagay ng mga alimango sa dagat upang dumami ito. Anila, ni hindi sila kinonsulta bago ipataw ang kautusan.
Apektado rin ang kabuhayan nila mula nang magsimula ang reklamasyon sa tabing dagat sa lugar para sa itatayong coastal road. Dahil sa lupang tinambak, magiging marumi ang tubig at matataboy ang mga alimango. Sa ulat ng COTAW, mula sa ₱1,000 kinikita, umaabot na lamang sa ₱250 ang kinikita ngayon ng mga mag-aalimango kada araw.