Sangsyon kontra NTF-Elcac, mga upisyal ni Duterte, hiningi sa kongreso ng US

,

Umapela ang 24 Amerikanong mambabatas sa administrasyong Biden na patawan ng sangsyon ang anim na kasalukuyan at nakaraang upisyal sa seguridad ng rehimeng Duterte na may malalalang rekord ng paglabag sa karapatang-tao. Ang sumusunod ang mga upisyal na nais patawan ng sangsyon ng mga mambabatas:

1) Delfin Lorenzana, kalihim ng Department of National Defense
2) Hermogenes Esperon, National Security Adviser
3) Eduardo Año, kalihim ng Department of Interior and Local Government
4) Lt. Gen. Anyonio Parlade Jr, dating hepe ng Southern Luzon Command ng AFP
5) Debold Sinas, dating hepe ng Philippine National Police

Sina Lorenzana, Esperon at Año ang pangunahing mga upisyal ng NTF-Elcac na binuo ni Duterte para ituon ang buong gubyerno sa mapanupil na gerang kontra-insurhensya.

Ang apela ay pinirmahan ni Rep. Susan Wild at ni Rep. Alexandria Ocasio-Cortez at iba pang progresibong mambabatas sa US. Ipinadala ang apela noong Enero 24 kay US Secretary of State Anthony Blinken at Secretary of Treasury Janet Yellen.

Ayon sa apela, napakarami nang naisadokumentong paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas katulad ng panggigipit, arbitraryong detensyon, tortyur at pagpatay sa mga mamamahayag, kritiko, lider ng oposisyon, taong simbahan at mga lider at organizer ng mga manggagawa. Laganap ang paggamit ng red-tagging at pagbansag na “terorista” sa mga aktibista at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, bilang paunang hakbang para patayin, arestuhin nang walang dahilan, or labagin ang kanilang mga karapatan. Binanggit nito na naisadokumento na ng United Nations Human Rights Coucil ang mga paglabag na ito. Gayundin, mayroon nang kaso laban sa rehimen sa International Criminal Court.

“Dapat hindi payagan na mamayagpag ang mga nasa likod ng mga paglabag na ito,” ayon sa petisyon. Tungo rito, inirerekomenda na patawan ng mga sangsyon ang anim na upisyal gamit ang Global Magnitsky Act. Sa ilalim ng batas na ito, sinumang papatawan ng sangsyon ay hindi papayagang makapasok sa US. Maaari ring harangin ang kanilang mga ari-arian at anumang transaksyon sa loob ng bansa.

Ang apela ay isinumite matapos lumitaw sa balita ng panggagahasa, pang-aabuso at iligal na detensyon ng mga sundalo ng 59th Ibde kay “Belle,” isang 15-anyos na batang babae noong nakaraang taon.

Noong Hulyo 2021, muling isinumite ni Rep. Wild ang panukalang Philippine Human Rights Act sa Kongeso ng US na may layuning ipasuspinde ang ayudang militar ng US sa Pilipinas hanggang hindi natitigil ang pangdarahas sa mga lumalaban sa gubyerno at mapanagot sa kanilang mga krimen.

AB: Sangsyon kontra NTF-Elcac, mga upisyal ni Duterte, hiningi sa kongreso ng US