Sapilitang paglilipat sa tagapagtatag ng WikiLeaks tungo sa US, inaprubahan ng UK
Pinirmahan na ng gubyerno ng United Kingdom noong Hunyo 17 ang utos para sa extradition o sapilitang paglilipat sa US kay Julian Assange, isang mamamahayag at kilalang tagatapagtatag ng Wikileaks. Ito ang resulta ng ilang taon nang pambabraso ng US para isuko ng UK si Assange para ikulong sa US. Bago nito, tumanggi ang isang korte sa UK na aprubahan ang hiling para sa extradition na anito’y masama sa kalusugang mental ng nasasakdal.
Nahaharap si Assange sa 18 kasong kriminal sa US, kabilang ang isang kaso ng pang-eespiya. Kung mahahatulan, maaari siyang ikulong nang hanggang 175 taon.
Ang mga kaso ay bunsod sa pagsisiwalat ng Wikileaks, isang website, ng mahigit 400,000 maseselang dokumento ng militar ng US noong 2010.
Kinundena ng maraming mamamahayag at mga grupo sa karapatang-tao ang desisyon ng UK. Anila, ang pagsisiwalat ni Assange sa mga dokumento ay bahagi ng kanyang trabaho bilang mamamahayag. Anila, protektado si Assange sa kalayaan sa malayang pamamahayag laluna sa pagsisiwalat sa mga krimen ng US sa Iraq at Afghanistan. Sa gayon, pampulitikang panunupil ang pagkakaso sa kanya.
Kabilang sa mga tumututol ang Amnesty International na nagsabing ang desisyon na i-extradite si Assange ay maglalagay sa kanya sa peligro at nagbibigay ng nakababahalang senyales sa mga mamamahayag sa buong mundo. Anito, kung matutuloy ang paglilipat sa kanya sa US, maaari siyang matagalang ibartolina (solitary confinement), na labag sa mga tuntunin laban sa tortyur o di makataong pagtrato sa mga bilanggo.
Nakakulong si Assange sa kulungan ng mga kriminal sa UK mula pa 2019 nang walang nakasampang kaso, matapos siyang pwersahang kunin mula sa loob ng embahada ng Ecuador sa UK kung saan pitong taon siyang kinupkop. Inaresto siya diumano dahil tinakbuhan niya ang isang hiwalay na kaso (jump bail). Subalit mahigit dalawang taon na siyang nasa kulungan kahit ang sentensya niya ay 50 linggong lamang na pagkakakulong.
Ang mga dokumentong isinawalat ni Assange, at iba pang sikretong mga impormasyon at dokumento, ay matatagpuan sa wikileaks.org.