Sapilitang pagrerekrut ng kabataan sa militar, kinundena ng mga komunista sa India
Mahigpit na kinundena ng Communist Party of India (CPI)-Maoist ang pakana ng reaksyunaryong estado sa India ng sapilitang pagrerekrut sa kabataan. Tinawag na Agnipath, layunin nitong palakasin ang pasistang makinarya ng estado laban sa mamamayan. Kinundena rin nito ang mararahas na pambubuwag ng pulis sa mga protesta laban sa pakana na kumalat na sa 14 rehiyon. (Karamihan sa protesta ay nakatuon sa pagiging temporaryo ng trabaho at kawalan ng benepisyo at pensyon.)
Ayon mismo sa estado, layunin ng Agnipath na magrekrut ng mga kabataan bilang mga kontraktwal na sundalo na magseserbisyo sa loob ng apat na taon. Matapos nito, 25% lamang sa kanila ang magiging regular. Dikta ang pakanang ito ng World Bank at International Monetary Fund na may layuning ibaba ang gastos ng gubyerno.
Sa pahayag na inilabas noong Hunyo 19, sinabi ni Kasamang Abhay, tagapagsalita ng Komite Sentral ng Partido, na lalong palalalain ng pakanang Agnipath ang pagiging pasista ng militar at buburahin at imimilitarisa nito ang buhay-sibilyan. “Sa nakaraang walong taon sa ilalim ng paghahari ng Brahmanic, Hindutva at pasistang BJP sa pangunguna ni PM Narendra Modi, lahat ng mga sektor ng lipunan ay ginawang pasista.” (Ang BJP o Bharatiya Janata Party ang kasalukuyang naghaharing partidong pulitikal sa India.)
Ani Abhay, isang pakanang pasista ang Agnipath na ipinatutupad sa tabing ng paglikha ng mga trabaho. “Ang mga patakarang anti-mamamayan at maka-imperyalista ang nagbunsod ng kawalang trabaho sa mundo at sa bansa,” aniya. Dinaranas ng India ngayon ang isa sa pinakamatinding krisis sa kawalang trabaho.
“Walang permanenteng mga trabaho (sa Agnipath). Sa gayon, walang iba ang pakana kundi pamumwersa sa kabataan.” Sa ulat ng Partido, nagsimula na ang sapilitang rekrutment ng kabataang katutubo sa Chhatttisgarh.
Bahagi ng pagsasanay ng mga bagong rekrut ang indoktrinasyon nila sa teorya at ideolohiyang BJP na nagtutulak sa pagtatayo ng isang estadong Hindu. Magiging bahagi sila ng hukbo na magtatransporma sa bansa tungo sa “isang bansa,” taliwas sa matagal nang pagkilala sa pederal na katangian ng India, at pag-iral ng mga awtonomiyang rehiyon at ng mga pambansang minorya tulad ng mga Muslim at Adivasi.
Ayon sa CPI-Maoist, kailangang itakwil ng mamamayan ang pasistang pakanang Agnipath, palawakin ang paglaban dito at igiit sa estado na iatras ito. Panawagan ni Ka Abhay sa kabataan na huwag silang sumapi sa Agnipath dahil kontra ito sa interes ng mamamayan.