Shinzo Abe, rebisyunista ng kasaysayan ng imperyalistang Japan
Insulto sa mamamayang Pilipino ang papuri ng mga upisyal ng reaksyunaryong estado sa pinaslang na si Shinzo Abe, dating prime minister ng Japan, nang walang pag-aalala sa lahat ng mga biktima ng imperyalistang Japan noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigidig.
Binaril at napatay si Abe noong Hunyo 9 habang nangangampanya sa prefecture (prubinsya) ng Nara sa Japan. Kaagad ring nahuli at ngayon ay nakakulong na si Tetsuya Yamagami, ang bumaril sa kanya.
“Kaibigan at tagasuporta ng mga Pilipino,” “alyado” at “kaibigang itinuring na parang kapatid,” ang ilan sa mga papuri nina Ferdinand Marcos Jr, Sara Duterte-Carpio at kanyang ama na si Rodrigo kay Abe. Wala ni isa sa kanila ang nagbanggit sa rekord ni Abe ng pagtanggi sa brutalidad na dinanas ng mga Pilipino, katulad ng mga Chinese, South Korean at iba pang mamamayan na sinakop ng Japan noong dekada 1940.
Isa sa mga gustong ikubli ni Abe ang krimen ng Japan laban sa mga tinaguriang “comfort women,” ang mga babaeng inalipin at paulit-ulit na ginahasa ng mga sundalong Hapon. Napilitan siyang humingi ng tawad sa South Korea noong 2015 pero tinangka pa rin niyang suhulan ang gubyerno rito ng isang bilyong yen para tigilan nito ang pagpuna sa naging brutalidad ng Japan.
Sa Pilipinas, walang ganitong paggigiit ang estado na humingi ng tawad ang Japan, sa kabila ng deka-dekadang pakikibaka ng mga Pilipinang comfort women. Noong 2018, pinatanggal pa ni Duterte ang isang rebulto ng isang comfort woman sa kahabaan ng Roxas Boulevard dahil “nakagagalit” umano ito sa Japan. Namatay na lamang ang huling comfort woman sa Pilipinas nang hindi man lamang kinilala ang krimeng nagawa sa kanya.
Liban sa pagtatangkang burahin ang kasaysayan ng brutalidad ng Japan, itinuturing ng US si Abe nilang pinakamatatag na alyado nito sa Asia.
Wala pang siglo ang dumadaan nang pwersahang sakupin ng Japan ang Pilipinas (1941-1945). Dokumentado sa kasaysayan ang brutalidad ng mga pwersang Hapon laban sa mga Pilipino. Isa sa mga tampok dito ang tinaguriang “Panggagahasa sa Manila” kung saan 100,000 hanggang 500,000 Pilipino ang pinatay ng mga sundalong Japanese. Pinangunahan ang barbaridad na ito ni Gen. Tomoyuki Yamashita, na hinatulan ng kamatayan noong 1946 para sa kanyang mga krimen sa digma.