Sibilyan, dinakip ng AFP sa militarisadong Ifugao
Pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Ifugao (Nona del Rosario Command) ang ipinakakalat ng 7th ID ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na Pulang manidirigma ang dinakip ng mga sundalo sa Asipulo, Ifugao noong Mayo 30 na si Emmanuel Tan.
Ayon sa yunit, si Tan ay isang organisador sa komunidad na nagsasagawa ng gawaing pangkultura sa hanay ng mga magsasaka at katutubo sa lugar. “Hindi siya kasapi ng BHB,” ayon sa BHB-Ifugao sa pahayag nito noong Hunyo 13.
“Pinasisinungalingan din namin [ang sinasabi ng militar] na mayroong mga banta ang BHB sa buhay ni Tan,” saad nito. Binigyang-diin ng yunit na ang tunay na banta sa buhay ni Tan ay ang “isang linggong iligal na detensyon sa kanya sa kampo ng militar kung saan isinailalim siya sa sikolohikal at emosyonal na tortyur para pwersahin siyang ‘sumuko’.
Samantala, kinumpirma ng BHB ang serye ng mga engkwentro sa bahagi ng Barangay Namal, Asipulo simula Mayo 23. “Sa mga labanang ito, hindi bababa sa dalawa ang napatay sa hanay ng mga pasista, at hindi matukoy ang bilang ng mga sugatan,” ayon sa yunit.
Pinarangalan naman ng BHB-Ifugao si Mando “Ka Monroe” Eduarte, isang Pulang mandirigmang namartir sa serye ng mga engkwentro. Pinatotohanan ng yunit BHB na may dalawang Pulang mandirigma ang nadakip sa labanan at iginigiit sa AFP na igalang ang kanilang mga karapatan bilang mga bihag sa digma o prisoner of war.
Malinaw na nakasaad sa ika-7 punto ng ikatlong bahagi ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na dapat “hindi ipasailalim sa pisikal o mental na tortyur, solitary confinement…malupit at nakawawalang-diginidad na pagtrato, detensyon at pagpaparusa” ang sinuman.
Mula pa Marso naglulunsad ng nakapokus na operasyong militar ang mga yunit sa ilalim ng 5th ID at 7th ID sa prubinsya.
Iniulat ng yunit ng BHB na sa mga operasyong ito ng AFP, dinadahas at tinatakot ang mga minorya at magsasakang lumalaban sa pagtatayo ng hydropower plant sa bayan ng Tinoc. Ipinailalim din sa operasyong Retooled Community Service Program ang apat na barangay sa bayan ng Hungduan at apat na iba pa sa Tinoc. Nagkakampo ang militar sa gitna ng mga sibilyang komunidad na nagdudulot ng pangamba sa mga residente.
Liban dito, sapilitang pinalalayas ng mga sundalo ng AFP ang mga tagabaryo upang malaya nilang okupahin ang mga bahay sa Barangay Namal simula Mayo 23. Umabot sa 122 pamilya o higit 500 katao ang lumikas at pinigilang makabalik sa kani-kanilang bahay.
Sa harap ng pinaigting na operasyon ng AFP, determinado ang mga Pulang mandirigma ng BHB-Ifugao na biguin ang nagpapatuloy na operasyong militar at kontra-insurhensyang kampanya ng rehimeng US-Duterte.
“Naghahabol ang rehimeng Duterte na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang termino ngayong Hunyo, ngunit kasaysayan na ang nagtatakda na hindi siya magtatagumpay. Hangga’t makatarungan ang mga mithiin ng demokratikong rebolusyong bayan, ito ay magpapatuloy, susulong, at magtatagumpay,” saad ng BHB-Ifugao.