Sinisanteng mga manggagawang Pilipino sa Hong Kong na nagpositibo, pinababayaan

,

Hindi bababa sa 20 migranteng manggagawa sa Hong Kong ang sinipa sa trabaho ng kanilang mga amo matapos mapag-alamang nagpositibo sila sa Covid-19.

“Talagang nakakawa kasi ang mga OFW ay walang mga bahay, nakatira sila sa mga bahay ng mga amo nila…kaya pagsisante sa kanila, napipilitan silang maglagi sa mga parke dahil wala naman silang ibang mapupuntahan,” salaysay ni Dolores Balladares Pelaes ng Migrante-Hongkong. Aniya, ang mga nagpositibo na pinagkakaitan ng atensyong medikal dahil walang pasilidad ang Hong Kong para sa nahawang mga manggagawa na wala nang trabaho.

Isa kanila si Rachelle Famillaran, isang kasambahay, na natulog sa isang bakanteng upuan sa loob ng tatlong araw dahil puno ang ospital na pinuntahan niya. Tumanggi ang kanyang amo na pauwiin sa pinagtatrabahuang bahay para mag-isolate. Nakatanggap lamang siya ng kaunting pera pambili ng pagkain mula sa mga upisyal ng konsulado ng Pilipinas.

Ayon sa Migrante-Hong Kong, di bababa sa 40 manggagawa ang humingi ng tulong sa kanilang upisina dahil wala silang mapuntahan. Hirap ang mga maysakit na umugnay sa upisina ng konsulado ng Pilipinas sa lugar. Ilan sa kanila ay naistranded sa mga paliparan at nangangailangan ng pondo para sa mga test at pagpapalawig ng kanilang mga visa. Ang test sa Hong Kong ay nagkakahalaga ng HK$400 (₱2,634) at ang multa sa pananatili sa bansa lagpas sa visa ay HK$240/araw o ₱1,580.

Sa harap nito, minaliit ng rehimeng Duterte ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga migrante. Una nang itinanggi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mayroong mga sinisanteng kasambahay dahil sa pagkakasakit. Nang mapatunayang mayroon ngang nawalan ng trabaho, minaliit naman ito ng konsulado at sinabing tatlo hanggang 10 lamang naman daw sila. Itinanggi din ng konsulado na may mga migranteng natutulog na sa mga kalye o labas ng mga ospital.

Ang mga naabutan nila sa mga ospital at kalye ay binibigyan lamang nila ng hygiene kit, pagkain at power bank. Hanggang ngayon, wala itong naihahandang angkop na pasilidad para sa pagkakwarantina. Sa aktwal, mas marami pang nagagawa ang mga non-government organization sa Hong Kong kaysa mga upisyal ng rehimen.

Pumalo ang paglaki ng bilang ng mga nahawa ng baryant na Omicron sa Hong Kong simula noong Enero.

AB: Sinisanteng mga manggagawang Pilipino sa Hong Kong na nagpositibo, pinababayaan