Sonang pang-ekonomya, itatayo sa militarisadong mga erya sa Davao City
Pang-aagaw ng lupa ang tunay na pakay ng kampanyang kontra-insurhensya ng noo’y meyor ng Davao at ngayo’y bise presidente na si Sara Duterte-Carpio.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng Davao City Investment Promotions Center ang pagpapalit-gamit sa 25-ektaryang lupa sa Brgy. Daliao, Toril at 80-ektaryang lupa sa katabing Bunawan at Tibungco, lahat sa Davao City. Ang mga lupang ito ay mga sakahan ng libu-libong magsasaka at Lumad na walang sariling lupa. Sa halip na igawad sa kanila ang lupa, balak ng mga Duterte na itayo rito ang isang agro-industriyal na “economic zone” na pakikinabangan ng mga burukrata (sa anyo ng mga kikbak sa imprastruktura) at dayuhang mga kumpanya.
Ang mga barangay na ito ay kasama sa mga lugar na idineklarang “insurgency-free” noong Hunyo 21 ng 10th ID ng Armed Forces of the Philippines. Ginawa ang deklarasyon sa gitna ng walang patid na militarisasyon, pangmamasaker, pamamaslang, iligal na pang-aaresto at detensyon, intimidasyon, pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pilit na pagpapailalim sa kanila sa kunwa’y mga “organisasyong masa.”
Ang Toril, sa partikular, ay mahigit isang dekada nang pokus ng walang awat na militarisasyon ng AFP. Noong nakaraang taon, itinayo dito ng 10th ID ang pekeng mga samahan ng magsasaka para bigyan-daan ang pagpasok ng mga komersyal na plantasyon at iba pang dayuhang kumpanya. Pinalabas ng AFP na ang pagsapi ng mga magsasaka sa mga organisasyong ito ay patunay na naggapi na ang rebolusyonaryong kilusan sa lugar.
“Ang kalokohang plano ng pagtatayo dito ng mga sweatshop (pabrikang atrasado at barat magpasahod) ay magpapalala lamang sa problema ng kawalang lupa sa magsasaka at Lumad at magbubunga sa malalalang porma ng pagsasamantala sa mga manggagawa,” ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng National Democratic Front-Southern Mindanao, sa isang pahayag noong Hulyo 9.
Itatransporma ng mga “agro-industriyal na eco-zone” na ito ang produktibong mga lupang agrikultural tungong mga plantasyon na may iisang pananim (monocrop) para sa eksport at mga plantang nagpuproseso at nagpapakete, at mga lugar panturismo. Sa kagyat, palalayasin ng mga ito ang mga magsasaka. Sa pangmatagalan, sisirain nito ang dating produktibong lupa dulot ng paggamit ng nakalalasong mga kemikal (pestisidyo at iba pa), tulad ng nangyari na sa maraming plantasyon sa Mindanao.
“KIlala ang mga eco-zone bilang mga pugad ng mapagsamantalang mga kumpanyang dayuhan na nagpapasasa sa murang lakas-paggawa at nandadambong sa ating mga likas na rekurso,” aniya.
Hindi ligtas sa planong tayuan ng mga “eco-zone” kahit ang mga lupang ninuno ng mga Lumad sa iba pang bahagi ng rehiyon. “Sa Talaingod, ekta-ektarya na ang nilatagan ng mga daan at resort na…nagpapalayas sa daan-daang mga pamilyang Ata-Manobo mula sa kanilang mga lupa at kabuhayan.”