“Striketober”: Malawakang welga ng mga manggagawa sa US

,
This article is available in English

Dumadaluyong ngayon ang mga welga ng mga manggagawang Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng United States. Binansagan ito ng mga unyon at masmidya bilang “Striketober” para patampukin ang malaking bilang ng mga welgang manggagawa na sumiklab ngayong buwan ng Oktubre.

Mahigit 100,000 manggagawa na mula sa iba’t ibang unyon sa US ang kalahok sa lumalakas na agos ng mga welga para manawagan ng dagdag sahod, mas makataong kundisyon sa paggawa, at pagkilala sa kanilang dignidad bilang mga tao. Noong Oktubre 25, tinatayang 45 na ang welgang ikinasa ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang kumpanya at industriya, kabilang na ang pagmamanupaktura, paggawa ng pelikula at kalusugan.

Ang pinakaunang mga pagkilos sa Striketober ay ang mga welga noong Oktubre 1 ng daan-daang mga nars sa Mercy Hospital sa New York, at ng 450 manggagawa ng Special Metals Corporation (gumagawa ng bakal) sa West Virginia.

Pinakamalalaki ang welga ng humigit-kumulang 10,000 manggagawa ng John Deere (gumagawa ng mabibigat at pang-agrikulturang makina) sa estado ng Iowa, at ng 1,400 manggagawa sa mga planta Kellogg (gumagawa ng pagkain na cereal) sa Michigan, Nebraska, Pennsylvania, at Tennessee.

Nagbanta rin na magwelga ang mahigit 30,000 nars at manggagawang kalusugan mula sa mga ospital sa ilalim ng Kaiser Permanente (dambuhalang grupo ng mga kumpanya sa kalusugan) sa mga estado ng California at Oregon.

Nagwelga rin ang mga manggagawa ng McDonald’s sa sampung lunsod sa US bilang paglaban sa mga kaso ng pang-aabuso at panggigipit na sekswal.

Inilunsad ang Striketober sa gitna ng Great Resignation, na kilala rin sa katawagang Big Quit, isang nagpapatuloy na padron sa US kung saan malawakang boluntaryong nagbitiw ang maraming manggagawa sa trabaho mula Marso 2021 dulot ng pandemyang Covid-19. Ito ay sa kabila ng nagpapatuloy na kakulangan sa mga manggagawa at malawakang kawalan ng trabaho sa US.

Sinasamantala ng mga manggagawang Amerikano ang tinaguriang “labor shortage crisis” o krisis sa kakulangan ng paggawa. Sa kabila na nananatiling mataas ang tantos ng disempleyo sa US, kinakaharap ng mga kumpanya ang kahirapan sa pag-eempleyo ng mga manggagawa.

Ipinaliliwanag ito ng ilang manunuri na resulta ng pagbabago sa larangan ng paggawa bunsod ng pandemya (tulad ng pagtangging bumalik sa trabaho ng mga manggagawang malapit na magretiro), ng lumalakas na kahingian para sa mas mataas na sahod, at ng paghihigpit sa pagpasok ng mga imigrante (na karaniwang bumubuo ng balon ng murang lakas paggawa ng mga empresa sa US). Sa sektor ng kalusugan, kinakaharap ang kalagayan na matinding pagkapagod ng mga manggagawang sa harap ng hindi pa humuhupang paglaban sa Covid-19.

Inaasahan na magpapatuloy ang mga welga hanggang sa eleksyong midterm sa US sa 2022.

AB: "Striketober": Malawakang welga ng mga manggagawa sa US