Subsidyo para sa 13th month pay, hiningi ng mga manggagawa
Nananawan ang Kilusang Mayo Uno na gawin nang subsidyo imbes na pautang ang pondo na planong ibigay ng Department of Labor and Employment sa naluluging maliliit na negosyo para tiyakin ang 13th month pay ng mga manggagawa.
Inalok ng DOLE ang pautang matapos magbanta si Jose Concepcion III, Presidential Adviser on Enterpreneurship, na “mapipilitan” ang mga negosyo na hindi magbigay ng 13th month pay kung hindi tuluyang buksan ang ekonomya.
Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, hindi pwedeng hindi magbayad ng 13th month pay ang mga negosyante sa ngalan ng pandemya. “Ngayon pa lang matinding kagutuman at kakulangan na ang dinaranas ng mga manggagawa,” aniya. Hindi ito isang “bonus” at nakalaan na ito sa iba pang bayarin.
Ginawa ni Concepcion ang banta noong Oktubre 13, kasabay ng pagrerepaso ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa antas ng “alerto” sa National Capital Region.
Itinutulak ng mga negosyanteng kagrupo ni Concepcion na payagang magbukas ang mas marami pang negosyo — kabilang ang mga sinehan, pasyalan at iba pang pook panturismo simula Oktubre 15. Ngayong araw, inianunsyo na ng IATF ang pagpapahintulot sa pagbubukas sa naturang mga negosyo kasabay ng pagbaba ng “alerto” sa antas ng kwarantina sa pambansang kabisera.
Noong nakaraang taon, nagbanta na rin ang mga negosyante na hindi magbibigay ng 13th month pay.