Supertubo ng Puregold, lumaki sa gitna ng pandemya
Balita ngayon ang pagkakabilang ng burges kumprador na si Lucio Co bilang ika-10 sa listahan ng pinakamayayamang indibidwal sa bansa na inilabas ng Forbes noong nakaraang linggo. Sa nakalipas na taon, nakapagtala si Co ng netong yaman na $1.7 bilyon (P81.6 sa palitang $1=P48).
Si Co ang nagmamay-ari sa kumpanyang Puregold Price Club Inc. na nagpapatakbo sa 403 supermarket na Puregold, 20 supermarket na S&R at, at 46 na restawran ng S&R sa iba’t ibang panig ng bansa na tumabo ng bilyun-bilyong piso sa gitna ng pandemyang Covid-19. Naibalita noong nakaraang buwan na lumobo nang 19% ang supertubo na nakamal ng naturang kumpanya sa kabila ng pandemya, mga lockdown at restriksyon sa pagkakwarantina.
Sa ulat ng kumpanya noong huling linggo ng Marso, napag-alaman na umaabot sa P8.05 bilyon ang nakamal nitong tubo noong nakaraang taon kasabay ng pagtaas ng demand sa mga produktong ibinebenta sa mga supermarket nito gaya ng mga pagkain at iba pang esensyal na mga bilihin.
Para lalupang makapagkamal ng tubo ngayong taon, plano ng kumpanya na agresibong palawakin ang operasyon nito. Noong nakaraang linggo, inianunsyo ng kumpanya ang plano nitong gumastos ng P4.7 bilyon para sa pagtatayo ng dagdag na 32-42 na mga supermarket at 10 restawran.
Samantala, naiulat din noong nakaraang mga buwan ang paglobo ng kita ng kumpanyang Atlas Consolidated Mining and Development Corporation (121% tungong P118 milyon) na nagmimina ng ginto at tanso sa Cebu, pagmamay-ari ni Alfredo Ramos; Universal Robina Corp. (15% tungong P11.6 bilyon) ng pamilyang Gokongwei na nagmamanupaktura ng mga produktong pagkain; at EastWest Bank (5% tungong 6.5 bilyon) ng pamilyang Gotianun.